Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 2, 2011 – Bilang bahagi ng pagpapaigting pa ng kampanya ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council para sa kahandaan at pagbabawas ng epekto ng kalamidad, isang pagsasanay na tinaguriang “Training of Trainors for Contingeny Planning” ang nakatakdang gawin sa ika-5 hanggang ika-7 ng Disyembre ngayong taon sa Hotel Villa Angelina, Legazpi City.
Pangungunahan ang aktibidad ng World Food Programme (WFP), ang food aid arm ng United Nations System, sa pakikipagtulungan nito sa pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng PDRRMC.
Ang WFP sa kasalukuyan ay nagpapatupad ng proyektong tinaguriang “Technical Support to the Government of the Philippines for Disaster Preparedness and Response Activities” kung saan pilot area nito ang lalawigan ng Sorsogon.
Nakipagkawing naman ang WFP sa Philippine Business for Social Services (PBSP) upang magbigay ng tulong teknikal sa pamamagitan ng capability building support activities.
Sa ipinadalang mensahe ng tanggapan ng PDRRMC sa pangunguna ni Sorsogon Governor Raul R. Lee, ang pagsasanay ay bahagi ng tulong teknikal na ito ng WFP kung saan target nito ang Disaster Risk Reduction Council (DRRMC) ng mga bayan ng Juban, Casiguran at Bulan. Ang tatlong bayang nabanggit ang mga pilot area naman sa lalawigan ng Sorsogon.
Ang mga kalahok ay sasanayin upang mahasa at makabuo ng grupo ng mga tagapagsanay ukol sa paggawa ng contingency plan.
Sa pamamagitan ng gagawing pagsasanay inaasahang matutulungan ng mga kalahok ang Municipal DRRMC at Provincial DRRMC sa proseso ng paggawa ng contingency plan sa lebel ng mga barangay at munisipyo partikular sa tatlong bayang na nabanggit. (PIA Sorsogon)