Friday, April 29, 2011

Kaso ng robbery sa Sorsogon tumaas


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 28 (PIA) – Halos ay 99% ang itinaas ng mga insidente ng pagnanakaw sa unang kwarter ng ng taong 2011 kumpara sa unang kwarter ng taong 2010, ayon sa tala ng Philippine National Police Sorsogon provincial police office.

Sa ipinalabas na record ng PNP Sorsogon, labing-anim na insidente ng robbery ang naitala mula January 2010 hanggang March 2010 habang tatlumpu’t-isang kaso naman sa kaparehong panahon ngayong taon.

Ang lungsod ng Sorsogon ang nakapagrehistro ng pinakamataas na bilang noong 2010 at labing-isa naman nitong 2011. Sinusundan ito ng bayan ng Irosin na may tatlo noong 2010 at anim naman ngayong 2011.

Sumunod na dito ang mga bayan ng Donsol, Bulan, Juban, matnog at Sta. Magdalena na may tigdadalawa at Barcelona, Bulusan, Gubat at Magallanes na may tig-iisang kaso lamang mula Enero hanggang Marso 2011.

Samantala, tumutugma naman ang crime index record ng PNP sa record ng Sorsogon Provincial Jail kung saan nangunguna dito ang mga kasong robbery, illegal drugs at rape. (PIA Sorsogon)



Opisyal ng Bantayan, Pilar seryoso sa kampanya sa ilegal na aktibidad laban sa marine mammal


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 29 (PIA) – Seryoso ngayon ang lokal na opisyal ng Brgy. Bantayan sa Pilar, Sorsogon sa pangunguna ni Brgy. Capt Salvador Aparicio kaugnay ng napaulat na nangyaring pagkatay ng mga dolphin sa kanilang lugar noong Martes.

Ayon kay punong-barangay Aparicio, bagama’t nadismaya sila sa pangyayari kung saan naglagay ito sa negatibong imahe ng kanilang barangay at ng buong bayan ng Pilar, ipinaliwanang nitong karamihan sa mga residente ay hindi alam na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagkatay sa naturang lamang-dagat at kulang din ang kaalaman na itinuturing itong nanganganib nang uri.

Kaugnay nito, balak niya umanong magpatawag ng barangay assembly at imbitahan ang mga kinatawan ng Provincial Agriculture Office patikular ang fisheries division at ang Municipal Agriculture Office upang magpaliwanag tungkol sa mga batas na sumasaklaw dito at pangangailangang proteksyon ng ganoong klaseng mga isda at endangered marine mammals upang maiwasan ang muling pagkakaulit ng pangyayari noong Martes.

Ayon sa 50 taon gulang na kapitan, labin-limang taon na siyang opisyal ng Brgy. Bantayan at aniya’y sa mga taon ng kanyang paninilbihan ay wala siyang nababalitaang may kinatay na dolphin sa kanilang lugar maliban sa naganap noong Martes kung saan aniya’y isolated case lamang ito.

Ayon pa kay Aparicio, tototong gumilid ang mga dolphin at posibleng natukso lamang diumano ang ilang mga residente na katayin ito sa gitna ng gipit na sitwasyon ng ilang residente.

Aniya, makabubuting mabigyan ng sapat na kaalaman ang kanyang mga nasasakupan upang maiwasan ang anumang mga paglabag sa batas at isa na ang pagkakaroon ng brgy. assembly sa nakikita niyang solusyon. (PIA Sorsogon)

Thursday, April 28, 2011

Organ Donation Program ng NKTI-HOPE paiigtingin

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 28 (PIA) – Sa pakikipagtulungan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Philippine Information Agency, muli nitong paiigtingin ang kanilang kampanya ukol sa organ donation program sa gagawing Lay Forum sa darating na ika-6 ng Mayo ngayong taon.

Sa impormasyong ipinaabot ng NKTI partikular ang Human Organ preservation Effort (HOPE) sa PIA, hangad ng kanilang outreach program na mabuksan ang isipan ng publiko ukol sa kahalagahan ng organ donation nang sa gayon ay madugtungan pa ang buhay ng mga taong nangangailangn nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang bahagi ng katawan ng mga kamamatay pa lamang o wala nang pag-asa pang mabuhay nilang mga kamag-anak o ang mas kilala sa tawag na brain dead o cadaver donor.

Umaabot sa dalawampu’t-limang organ at tissue ang maaaring i-donate ng isang tao para sa transplantation at pinaka-common na dito ay ang kidney o bato. Maaari ding i-donate ang puso, atay, baga, pancreas, buto at cartilage, bone marrow, cornea, balat at marami pang iba. Bawat isang donor ay tatlong tao pa ang may potensyal na mabuhay.

Subalit kinukundena naman ng NKTI-HOPE ang bentahan ng alinmang bahagi ng katawan ng tao o ang black market trade for human organs sapagkat unethical medical practice ito at labag din sa batas. Dapat lamang anilang mabuksan ng tama ang isipan ng mga Pilipino upang matigil sa ganitong maling gawain.

Bagama’t mga relative at cadaver donors ang pangunahing tinatanggap ng NKTI-HOPE, tumatanggap din diumano ito ng non-related donors basta’t kusang ibinibigay.

Dapat na motivated ang donor ng pakikipagkapwa at hindi ng kung magkano ang makukuha niya mula dito. Sa policy statement ng batas, partikular ng RA 7170, dapat na ginigiyahan ng prinsipyo ng pagkukusang-loob ang mga programa ng organ donation.

Subalit hindi rin umano pinagbabawalan ang donor na tumanggap ng anumang token of gratitude mula sa kabutihang-loob ng pamilya ng natulungang pasyente.

Sakali umanong magdesisyong maging organ donor ang isang tao ay maari itong makipag-ugnayan sa HOPE o di kaya’y sa local DOH na malapit sa kanila o sa Philippine Information Agency sa kanilang lugar. Sa mga drayber naman ay maari nilang i-accomplish ang espasyong makikita nila sa likuran ng kanilang driver’s license. (PIA Sorsogon)

Pagkatay sa mga marine mammal mahigpit na ipinagbabawal


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 28 (PIA) – Muling sinabi ni Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagkatay ng alinmang uri ng marine mammal katulad ng ginawang pagkatay sa pitong dolphin noong nakaraang Martes sa bantayan, Pilar, Sorsogon.

Kaugnay nito, muli ding nanawagan si Espiritu sa mga mangingisda na ipagbigay-alam sa kanilang Municipal Agriculture Officer (MAO) o sa iba pang mga awtoridad sakaling nakakadakip sila ng Butanding, Dolphin, pawikan at iba pang mga hayop na kabilang sa endangered species.

Sinabi ni Espiritu na bago pa man naganap ang insidente ng pangangatay ng dolphin sa Pilar ay plano na ng Provincial Veterinary Office (PVO) katuwang ang Office of the Provincial Agriculture (OPAg) at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) regional office V na magsagawa ng orientation seminar on marine mammal stranding protocol response para sa mga Municipal Agriculture Officer (MAO) at local na opisyal at bumuo din ng isang emergency response team na mangangasiwa sa mga stranded marine mammals.

Sa tala ng BFAR, ang Bicol region ang may pinakamataas na bilang ng recorded stranding sa buong Pilipinas.

Ipinaliwanag din ni Espiritu na dapat maintindihan ng publiko lalo na ng mga mangingisda na kapag may stranding na nangyayari o paggilid ng mga isda sa dagat o di kaya’y paglapit nito sa mga tao, nangangahulugang may problema ang mga ito sa dagat kung kaya’t kailangan nilang gumilid.

Kung paulit-ulit naman tulad ng nagyayari sa mga pawikan sa Casiguran at Dolphin sa Pilar, indikasyon itong hindi lamang basta-basta naliligaw ang mga hayop kundi maaari umanong may breeding site ito o di kaya’y may permanenteng daanan o pathway na ito doon. (PIA Sorsogon)


Dolphins merciless butchered in Pilar town





Butchered Dolphin. Two heads of butchered dolphins were recovered by Pilar PNP on Tuesday, April 26, in Brgy. Bantayan, Pilar, Sorsogon. Authorities are now to file a case against the two suspects identified as the mastermind of the said heinous incident. The slaughtered dolphins to have belong to Melon-headed whale (Peponocephala  electra) specie has a dark body color and white lips. The ideal way of validating this is to determine the number of teeth. The melon-headed has 20-26 pairs of teeth in both upper and lower jaws. (BARecebido/PIA Sorsogon/ Photo: Joey Gois)