Wednesday, April 3, 2013

Gubat, Sorsogon kinagigiliwan nang pasyalan ng mga local surfers


(byaherosnapshots.com)

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 3 (PIA) – Kung sikat ang surfing sa bansang Hawaii at nilalaro ng mga puti noong dekada nubenta hanggang sa kasalukuyan, sa bayan naman ng Gubat, Sorsogon ay mayroon na ring lugar kung saan sinisimulan nang dayuhin ng mga lokal o dayo mang turista na nawiwiling maglaro ng nasabing hobby.

Ayon sa isang residente ng Buenavista, Gubat na tumanggi nang magpakilala, nadiskubre ng mga lokal na dayo ang kakaibang kasiyahang hatid ng surfing sa malalaking alon ng Buenavista, Gubat kung kaya’t nagpasiya silang bumuo ng isang grupo ng apat na kalalakihan upang magsanay at magpakitang-gilas na rin sa mga dumadayo doon hanggang sa dumami na rin ang nawiling mag-surf at ngayon ay isa nang dagdag atraksyon sa bahagi ng Gubat, Sorsogon tuwing summer.

Aminado naman si Provincial Tourism Officer Cris Racelis, na hindi na rin talaga mapipigilan ang pagbubukas ng panibagong atraksyon sa mga turista sa Gubat lalo pa’t ilang mga surfing competition na rin ang isinagawa sa karagatan ng Buenavista.

Nitong nakaraang taon ay nagsagawa na rin ng surfing clinique sa Gubat upang higit pang maintindihan ng mga local surfing enthusiast ang larong ito. Subalit sinabi din ni Racelis na ang dagat sa Gubat ay pang-baguhan o amateur surfers, habang iminumungkahi naman nila sa mga professional surfers na dayuhin ang Bulusan dahilan sa mas malalaking alon ng dagat doon.

Mainam umanong maglaro ng surfing sa Buenavista, Gubat mula Setyembre hanggang Mayo.

Samantala, maliban pa sa surfing at skim boarding na nauuso na rin sa Gubat, tiyak na kagigiliwan din umano ng mga dadayong turista ang Rizal Beach sa nasabing bayan. Binigyan na rin nila umano ng ideya si Gubat Mayor Lim kung papaanong mama-maximize ang paggamit ng limang kilometrong baybayin ng Dancalan patungong Rizal sa pamamagitan ng paggawa ng steady sandcastle completion bilang pampamilyang aktibidad.

Kung nais pa umano ng mga dadayong turista ng iba pang atraksyon, mainam ding bisitahin ang Tikling Island at Juag Lagoon Fish Sanctuary sa Matnog, at ang Heritage Homes sa Sablayan Island sa Juban, dagdag pa dito ang Spanish Ruins sa Barcelona na kabilang sa prayoridad na proyektong pang-imprastruktura ng Sorsogon Provincial Tourism Office kung saan P5-milyon ang pondong inilaan dito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Proyektong magpapalawak ng kakayahan ng kabataan sa sining, ilulunsad


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 2 (PIA) – Ilulunsad ng Kurit Lagting, isang grupo ng mga Sorsoganong may angking galing sa larangan ng sining, ang proyektong tinagurian nilang “KURITon Series: A Community Arts Project” sa darating na Abril 6 hanggang 7, 2013 sa main campus ng Sorsogon State College, lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Geri Matthew Carretero, Officer-In-Charge ng Kurit Lagting, ang proyektong ito ay isang alternatibong art education program na maglilibot sa iba’t-ibang mga barangay at paaralan sa lalawigan ng Sorsogon at sa iba pang bahagi ng rehiyon ng Bicol upang magturo, makahanap ng talent, at palawakin pa ang kakayahan ng mga kasapi ng komunidad sa larangan ng sining sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga workshop sa potograpiya, pag-guhit, teatro, paglilok, film making at story-telling.

Maliban sa gagawing paglulunsad, tampok din ang “Kurit kan Saradit” sa ilalim ng KURITon series kung saan magsasagawa ng isang buwang community work mula ika-9 ng Abril hanggang ika-3 ng Mayo, 2013.

Ayon pa kay Carretero, magsasagawa sila ng mga paglilibot sa mga piling barangay kung saan tinukoy nila bilang pilot barangay ang Sampaloc, Piot, Talisay at Bitan-o upang hikayatin ang mga bata na pumasok sa mga paaralan, tulungan ang mga magulang na mauunawaan na kailangang protektahan ang mga bata at pukawin ang kamalayan sa pagtukoy sa mga suliranin at responsibilidad ng mga kabataan at ang kanilang kakayahan bilang mga produktibong kasapi ng kanilang pamilya at komunidad.

Naging inspirasyon nila umano sa proyektong ito ang “Kariton Classroom” ni Efren Penaflorida.

Ito ay nabuo sa pakikipagkawing sa Childfund Philippines kasama ng Federation of Associations for Communities and Children’s Empowerment (FACE), Inc. at ng Casa Miani Foundaton, Inc., mga organisasyong tumutulong na maisulong ang karapatan ng mga bata at kabataan upang matulungan din ang iba pang mga pamilya sa hinaharap. (BARecebido, PIA Sorsogon)


Obserbasyon ng Semana Santa sa Sorsogon, negatibo sa malalaking krimen – SPPO

bilogangbuwanniluna.blogspot.com - Semana Santa photo
Ni: FB Tumalad

Lungsod ng Sorsogon, April 01 (PIA) – Sa kabila ng kaabalahan at pagsiuwian ng mga bakasyunista at mga turista dito sa Sorsogon nitong nakalipas na obserbasyon ng Semana Santa, ay walang naitalang malalaking krimen sa probinsya ayon sa pamunuan ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO).

Lunes santo pa lamang ay naglagay na ng tolda sa mga istratehikong lugar ang mga awtoridad dito sa probinsya ng Sorsogon sa pangunguna ng SPPO at Sorsogon City Police upang panatilihin ang pagmamantini ng maayos na daloy ng trapiko at palakasin ang Police visibility.

Maliban sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Land Transportation Office, Department of Public Works and Highways at iba pa, tumulong din sa pagmamantini ng maayos na daloy ng trapiko simula Huwebes at Biyernes Santo ang kabalikat Civicom kung saan nagkaroon ng prusisyon.

Ayon sa PNP, ang pagtutulungang ito ng mga ahensya ng pamahalaan at iba-ibang mga organisasyon dito ang nagsilbing dahilan ng pagkakaroon ng maayos at mapayapang obserbasyon ng Semana Santa.

Maging ang pagdiriwang ng mga Grand Reunion at Alumni Homecoming ng malalaking paaralan dito sa Sorsogon noong Sabado de Glorya ay naging masaya at mapayapa din.

Aktibo din nakabantay ang mga tauhan ng Coast Guard District Sorsogon sa mga beach resort habang ang iba pang mga awtoridad ay nakabantay din hindi lamang sa mga paliguan kundi maging sa iba pang mga pook pasyalan sa lalawigan.

Samantala, sa tala ng Phil. Coast Guard, umabot sa 2,659 na mga pasahero galing Masbate at Samar ang dumaong sa tatlong pantalan ng Sorsogon, 5,129 namang mga pasahero ang umalis dito noong Marso 30 habang noong Marso 31 ay nakapagtala naman ang PCG District Sorsogon ng 4,484 mga pasaherong dumaong at 4,862 na mga pasaherong lumisan sa mga pantalan ng Matnog, Pilar at Bulan. (FBTumalad, PIA Sorsogon)

Tuesday, April 2, 2013

903rd Bde releases two “Pawikans” in Castilla



903rd Bde releases two “Pawikans” in Castilla. For the second time in March, the 903rd Infantry Brigade headed by 903rd Brigade Commander Colonel Joselito E. Kakilala, released two sea turtles locally known as “Pawikan” in Castilla seaport, Brgy Poblacion, Castilla, Sorsogon, on March 24, 2013 at 2o’clock in the afternoon. Report said that the two pawikans were brought to the Brigade headquarters by a Bantay-Dagat team leader named Eugene “Botak” Juliam, who said it was rescued by a certain, Jorge Arejo, a local fisherman in Brgy Querapi, Castilla, Sorsogon. One sea turtle measures 33.5” length and 29” width weighing around 70kgs, while the other one has 17” length and 14” width weighing around 20kgs. No BFAR tag was seen attached to the turtles, an indication that it was captured and released for the first time. Prior to the release, the incident was reported to the Municipal MENRO, BFAR and PENRO-Sorsogon City. (PIA Sorsogon/ Phil Army)