By: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, May 20 (PIA) – Patuloy ang Sorsogon City Water District (SCWD) sa pagsasagawa ngayon ng mga aktibidad na makakatulong upang mabawasan ang pag-iinit ng temperatura na nagiging sanhi ng pagkakatuyo ng mga water sources.
Ilan sa mga aktibidad na ginagawa ngayon ng SCWD ay ang tree planting, reforestation at restoration program sa Sitio Bagong Sirang sa Brgy. Macabog at sa ilan pang mga barangay na siniserbisyuhan ng SCWD upang maiwasan ang patuloy pang pang-aabuso sa kalikasan.
Ayon kay SCWD general manager Ronaldo Barbonio, nais nilang makapagtatag ng magandang relasyon at partnership sa mga residente lalo na sa malapit sa mga watershed areas upang makatuwang nila sa pagpapaigting pa ng kanilang environmental campaign alinsunod na rin sa ipinatutupad na environmental protection program ng pamahalaang Aquino.
Isa diumano sa mga suliraning kinakaharap nila ngayon ay ang walang tigil na pagpuputol ng kahoy ng mga mag-uuling.
Sinabi ni Barbonio na naiintindihan nila ang uri ng hanapbuhay ng mga mag-uuling subalit dapat lamang aniya na palitan ng mga ito ang mga kahoy na pinuputol nila.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Barbonio sa mga mag-uuling na pag-aralan din ang teknolohiyang green charcoal kung saan sa halip na kahoy ay mga dahon ang gagamitin sa pag-uuling.
Sa mga high end restaurant naman, iminumungkahi niya ang paggamit ng mga volcanic rocks bilang panggatong sapagkat mas matagal diumano ang silbi ng baga nito. (PIA Sorsogon)