Friday, May 20, 2011

DPWH 2nd district Sorsogon, nagsumite ng kanilang finished infrastructure projects report


By: Francisco B. Tumalad Jr.

Sorsogon City, May 19 (PIA) – Ipinalabas kamakailan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd District Engineer Juanito Alamar ang mga proyektong pangimprastrukturang nakumpleto o natapos nang maipatupad ng kanilang tanggapan tulad ng pagsasaayos ng mga kalsada, farm to market roads, pagtatayo ng mga pumping stations, flood control projects at school building sa ibat-ibang mga barangay sa siyam na bayan ng Sorsogon.

Sa ulat na ibinigay ng DPWH 2nd district sa PIA Sorsogon, pitong mga barangay ang nabebenipisyuhan na ng farm to market roads partikular ang Brgy. Bulawan at San Isidro sa Pto. Diaz, Brgy. Tigkiw at Cabiguhan sa Gubat, Brgy. Poblacion sa Bulusan at Brgy.Marihab sa Bulan.

Kumpleto na rin ang artesian well, pumping station at iba pang water supply system sa Brgy.Culasi at Pawa sa bayan ng Matnog, Brgy.Sta. Lourdes at Carayat sa Pto.Diaz at Brgy. Bacolod sa Juban, Sorsogon at pinapakinabangan na ng mga residente doon.

Sa barangay naman ng North Poblacion, Juban, Sorsogon ay tapos na rin ang konstruksyon ng drainage system, maging ang pagpapagawa ng school library hub sa Gubat South Central School at concreting ng multi-purpose pavement sa Brgy San Roque, Sta. Magdalena, Sorsogon.

Ayon kay Eng. Alamar, ang naturang mga proyekto ay ipinatupad base na rin sa ipinalabas na Special Allotment Release order (SARO) ng Department of Budget and Management (DBM) at agad ding agad natapos bago pa man dumating ang nakatakdang panahon ng patrabaho nito.

Matatandaang una nang nagpalabas ng kautusan si Pangulong Benigno Aquino III kay DPWH Secretary Rogelio L. Singson na kinakailangan nilang magsumite bawat linggo ng mga kaganapan ng kanilang tanggapan upang ipagbigay alam sa publiko ang mga proyekto, programa at opisyal na mga aktibidad ng DPWH. (PIA Sorsogon)

No comments: