Kasanggayahan Festival 2013 Presscon |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 18 (PIA) – Hindi nakahadlang ang
naging pag-uulan kahapon upang dagsain ng libong mga manonood ang opisyal na
pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2013 kahapon, Oktubre 17.
Sa umaga ay isang press conference ang ginanap na sa kauna-unahang
pagkakataon ay dinaluhan ng mga local at national press at photographers.
Naroroon din sa press conference ang mga opisyal at kinatawan ng Department of
Tourism, Sangguniang Panlalawigan ng Albay at mga kinatawan ni Albay Governor
Joey Salceda.
Sa nasabing press conference ay sinagot ni Sorsogon City Mayor
Sally A. Lee at Ginoong Melo Naval, ang Tourism at Economic Affairs consultant
ng lalawigan ng Sorsogon ang mga katanungan ng media. Umapela din si Mayor Lee
sa mga naroroong media na matulungan ang Sorsogon sa promosyon ng re-branding
ng Sorsogon bilang tanging lugar na pinagdausan ng unang misa sa Luzon at
maipakita sa labas ng Sorsogon ang mga natatanging yaman ng lalawigan.
Re-enactment: First Mass in Luzon |
Naging tampok naman sa pagbubukas ang paggunita sa kauna-unahang
misa sa Luzon noong 1569 na naging daan ng Kristyanismo sa Kabikulan. Naging
atraksyon sa mga manonood ang mga Higantes na sumimbolo sa komunidad ng Sitio
Gibalon, Brgy. Siuton, Magallanes, Sorsogon kung saan unang ginanap ang
kauna-unahang misa sa Luzon. May mga ipinarada ding Higantes na mga Espanyol at
paring prayle.
Sa pamamagitan ng sayaw ng mga kasapi ng Community Based Theater
Group (CBTG) ay naipakita ang kasaysayan at mayamang kultura ng mga Sorsoganon
partikular na ang mga taga-Magallanes.
Aasahan naman ngayong araw ang isa na namang major activity ng
Kasanggayahan Festival, ang Pantomina sa Tinampo. Lalahukan ito ng daan-daang
mga mananayaw mula sa iba’t-ibang mga sektor ng komunidad. Gagawin ang
Pantomina sa Tinampo sa kahabaan ng Rizal at Magsaysay St sa lungsod ng
Sorsogon.
Sisimulan din ngayong araw ang Tour at Photo Exhibit sa Museo ng
Sorsogon at ang kinagiliwang Carabao Ride na iikot sa Capitol Park at sa
Kasanggayahan Vilage kug saan makikita ang iba-ibang mga produktong
ipinagmamalaki ng Sorsogon.
Tampok din ang Culinaria o Food Festival kung saan ipapakita ng
mga kusinero ang kanilang galing sa pagluluto ng mga sangkap na natatangi sa
Sorsogon tulad ng pili at baluko.
Alas otso mamayang gabi ay gaganapin naman ang Bida Ka Sorsoganon
Street Art Fashion Competition na gagawin sa Rompeolas. Dito ay ipapakita ng
mga kalahok sa pamamagitan ng pag-arte ang iba-ibang karakter na bida sa mga
kasabihan at kwentong Bikolnon.
Samantala, iniimbitahan naman ang publiko na makiisa at sumabay sa
gagawing taunang Pilgrimage to Gibalon sa Brgy Siuton, Magallanes, Sorsogon
kung saan doon orihinal na naganap ang Kauna-unahang Misa sa isla ng Luzon. (BARecebido,
PIA Sorsogon)