Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 14 (PIA) – Positibo ang Department of Labor and Employment (DOLE) Sorsogon na maipatutupad na ng tuluyan ang Skills Registry System (SRS) bago matapos ang buwan ng Oktubre ngayong taon.
Ayon kay DOLE Sorsoogn Field Officer Imelda Romanillos, hinihintay na lamang nila na mapirmahan ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DOLE at ng pmahalaang lokal ng lungsod ng Sorsogon upang maisakatuparan na ang full implementation ng SRS.
Matatandaang hinhikayat ng mga opisyal ng DOLE ang lahat ng mga local Government Unit (LGU) na iparehistro ang knailang mga nasasakupan sa ipinatutupad na Skills Registry System ng pamahalaan upang matulungan ang mga ito na madaling makahanap ng trabaho.
Ang sistemang ito ay dati nang ipinakilala ng DOLE sa probinsya ng Sorsogon partikular sa bayan ng Pilar at lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay Romanillos sa pamamagitan ng SRS, matutulungang malutas ang suliranin sa skills-job mismatch at mapapaganda pa nito ang kalidad ng trabaho sa bansa at magiging mas produktibo at globally competitive pa ang mga Pilipino.
Mahihikayat din umano nito ang mga imbestor na maglagay ng mga negosyo sa mga lugar kung saan may mga manggagawang makatutugon sa kasanayang hinahanap nila.
Ang SRS ay konektado sa PhilJobnet, ang online job portal ng pamahalaan na madalas binibisita ng mga naghahanap ng trabaho, recruitment agencies at maging ng lokal at dayuhang may-ari ng mga negosyo.
Sinabi ni Romanillos na mabibigyan nila ng katiyakan ang mga aplikante na matutulungan nila ang mgaito sa paghahanap nila ng trabaho.
Ang SRS ay bahagi ng pagsisikap ng DOLE na makabuo ng ‘integrated data of labor information’ katuwang ang Bureau of Local Employment (BLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulation Commission (PRC), Maritime Training Councils (MTC) at National Maritime Polytechnic (NMP). (PIA Sorsogon)