Wednesday, October 12, 2011

Kalagayan ng panahon sa Sorsogon patuloy na sinusubaybayan; mga residente pinag-iingat


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 12 (PIA) – Nananatiling maitim ang papawirin at tuloy-tuloy pa rin ang pag-uulan dito kung kaya’t patuloy din ang abiso ng mga awtoridad sa lahat ng mga residente na doblehin ang pag-iingat. Simula pa kahapon ay inalerto na rin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang lahat ng mga Barangay Disaster Coordinating Council ng lalawigan upang maiwasan ang anumang panganib na maaaring dalhin ng patuloy na pag-uulan.

Inabisuhan din ng Phivolcs ang mga residenteng nakatira malapit sa paanan ng Bulkang Bulusan na mag-ingat sa posibilidad ng pagragasa ng tubig na may kasamang volcanic debris.

Alas dose ng tanghali kahapon nang istrikto ding ipinatupad ng Coast Guard Sorsogon ang No Sailing Policy. Sa impormasyong ipinadala ng Coast Guard sa PIA Sorsogon, sinuspindi ng kanilang mga detachment sa Pilar at Bulan ang byahe ng mga sasakyang pandagat na papuntang Masbate at maging ang byaheng galing Matnog.

Matatandaang nagpalabas kahapon ng unang advisory ang Office of the Civil Defense Region 5 ukol sa No Sailing Policy sa rehiyon ng Bicol kaugnay ng bagyong ‘Ramon’ lalo na sa mga karagatan ng Masbate at kanlurang bahagi ng karagatan ng Sorsogon, Albay at Camarines Sur upang maiwasan ang anumang sakuna sa dagat.

Patuloy din umano ang information dessimination campaign ng mga tauhan ng Coast Guard Sorsogon ukol sa ipinatutupad na no sailing policy sa mga kostal na barangay lalo na sa kanlurang bahagi ng Sorsogon.

Kaninang alas singko ng umaga ay nakapagtala na ang Coast Guard Sorsogon ng mga strandees sa pangunahing mga pantalan ng Sorsogon. Sa Matnog, tatlumpu’t-isang (31) bus ang istranded, labingwalong (18) trak, siyam (9) na kotse, limang (5) sasakyang-dagat at isang libo isangdaan at limampu’t anim (1,156) na mga pasahero ang istranded habang sa Pilar ay nakapagtala din ng apatnapung (40) pasahero at tatlong (3) motorized banca na naistranded habang wala namang istranded na naiulat sa pantalan ng Bulan.

Patuloy din ang mga awtoridad dito sa pagsubaybay sa kalagayan ng panahon. (PIA Sorsogon)

No comments: