Tuesday, October 11, 2011

KBP-Sorsogon Chapter magsasagawa ng kauna-unahang Broadcaster’s Awards sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 11 (PIA) – Nakatakdang ganapin mamayang gabi ang kauna-unahang Broadcaster’s Awards of Excellence dito sa Sorsogon sa pangunguna ng Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas – Sorsogon Chapter.

Ayon kay KBP Sorsogon Chapter President Andy Espinar, ginagawa nila ito bilang bahagi ng kanilang pagpupunyagi na maitaas ang antas ng pagsasahimpapawid ng mga impormasyon sa mga istasyon ng radyo at mabigyang pagkilala ang mga lokal na mamamahayag sa kanilang natatanging pagganap ng kanilang mga papel bilang mga brodkaster.

Ang mga nominado ay dumaan sa masusing pagpili ng mga hurado alinsunod sa pamantayang eklusibong binuo para sa nasabing awards of excellence.

Kabilang sa mga pipiliing kategorya ay ang mga sumusunod: Programs Category kung saan pipili ng Best News Program, Best Public Affairs Program, Best Public Service Program, Best Commentary Program, Best Educational Program, Best Games/Variety Show, Best Magazine Program, Best Musical Program at Best Religious Program.

Sa individual Category naman ay pipili ng Best Newscaster, Best Public Affairs Program Host, Best Public Service Program Host, Best Commentator, Best Educational Program Host, Best Games/Variety Show Host, Best Magazine Program Host, Best Disk Jockey, Best Religious Program Host, Radio Personality of the Year, Television Personality of the Year, Posthumous Excellence Award for Broadcast, Lifetime Achievement Award for Broadcast at Broadcaster of the Year.

Habang sa Station Category naman pipiliin ang Best AM Station, Best FM Station at
Best Television Station.

Bahagi din ng programa ang pagsasariwa at pagpapaalala sa mga mamamahayag ng kanilang kodigo na nagsisilbing bibliya ng bawat isa sa tuwing gagampanan nila ang kanilang tungkulin sa radyo at telebisyon.

Positibo naman ang mga opisyal ng KBP na sa pamamagitan ng mga aktibidad na ginagawa nila ngayon ay higit na magiging buo ang samahan at maisasabuhay ng bawat kasapi ng KBP ang tunay na serbisyo sa publiko partikular ang serbisyong magbibigay inspirasyon at makakatulong sa pagsusulong ng kaunlaran sa komunidad sa halip na makasira. (PIA Sorsogon)


No comments: