Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 10 (PIA) – Matapos ang ginawang site visitation ng mga rural infrastructure project ng Agrarian Reform Community Project 2 (ARCP2) na isinagawa ng National Project Coordinating Office (NPCO) at Regional Project Officer (RPO) kamakailan sa mga bayan ng Castilla, Bulan, Juban, Matnog, Irosin at Bacon District, agad nilang sinundan ito ng isang follow-up conference at workshop kasama ng mga alkalde ng nasabing mga lugar.
Sa pagtitipon, sinabi ni Community Driven Development Specialist Gil Tuparan na nagiging suliranin sa pagpapatupad ng rural infrastructure ang bahaging dapat babalikatin ng mga lokal na pamahalaan kung kaya’t nahihirapang maipagpatuloy ang ARCP2 na inilunsad noon pang Mayo ngayong taon.
Subalit inihayag naman ni Provincial Agrarian Reform Officer Roseller Olayres na magkaganon man, hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa lalo pa’t naghayag din ang Ako Bikol Partylist ng pagiging bukas sa pagtulong sa mga proyektong pangimprastruktura ng ARCP2.
Tinalakay din sa dalawang araw na pagtitipon ang mga mahahalagang usapin tulad ng development framework, performance based grant system, capacity development grant, capital grant in-kind distribution, Material, Labor, Equipment model, sitwasyong pang-ekonomiya ng lalawigan, overview ng ARCP2 performance monitoring system, financial reporting system at performance-based rural infrastructure sub-project monitoring system upang makita at masukat nang regular ang mga ginagawang sub-project development cycle ng ARCP2.
Matapos gawin ng mga kalahok ang action plan, nagkaroon naman ng commitment signing ang mga alkalde ng limang bayan at isang lungsod ng Sorsogon para sa gagawing pagpapatupad ng Rural infrastructure component sa ilalim ng ARCP2.
Naging kapuri-puri naman ang pagiging aktibo ni Juban Mayor Jimmy Fragata at Casiguran Mayor Ester Hamor sa ipinakitang buong suporta ng mga ito sa proyekto kung saan hindi nito iniwanan ang dalawang araw na aktibidad. (AJA, DAR/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment