Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.
Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 11 (PIA) – Matagumpay na naidaos ang pagdiriwang ng Araw ng mga Guro noong nakaraang Biyernes, Oktobre 7, 2011 na sinimulan sa pamamagitan ng isang mahabang parada at banal na misa na idinaos ditto sa lungsod ng Sorsogon.
Kasama sa pagdiriwang ang pagkakaroon ng Teachers’ Convetion na ginanap sa Aemilianum College, Piot Sorsogon sa pangunguna ni DepEd Sorsogon Provincial Schools Division Superintendent Dr. Lorna Dimaano at City Schools Division Superintendent Dr. Virgilio Real.
Naging pangunahing tagapagsalita si Atty. Jonathan Balintong na nagbigay ng mga kaukulang paliwanag hinggil sa tamang pagtrato sa mga mag-aaral at upang maiwasan ang mga bagay at aksyon na hindi naayon sa batas katulad ng corporal punishment o pagpaparusa sa mga mag-aaral na kalimitang nagagawa ng ilang mga guro.
Ayon kay Atty. Balintong, kung noong panahon ay maraming mga guro ang malayang nakapambabato ng eraser, namamalo, nangungurot at nanampal sa mga batang estudyante, ngayon ay mayroon ng batas na nagbibigay proteksyon sa mga mag-aaral at mga menor de edad kung kaya’t alerto din ang Department of Education upang maiwasan ito.
Ipinaliwanag din ng abogado na maaring masampahan ng kasong administartibo at kriminal ang mga gurong masasangkot sa pananakit sa pisikal at emosyonalna aspeto ng pagkatao tulad ng pagpapasaring, panghihiya at pagmumura sa harap ng kapwa mag-aaral nito na tahimik na lamang ding tinatanggap ng mga bata kahit mali na ang kanilang guro.
Positibo naman ang naging reaksyon ng mga guro sa ginawang pagpapaalalang ito sa kanila lao pa’t aminado naman ang mga ito na nakakalimot din sila paminsan-minsan kung kaya’t ipinagpapasalamat nila ang pagbibigay ng DepEd ng ganitong oportunidad na maaari nilang mai-aplay sa kanilang mga klase. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment