Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 15 (PIA) – Handa
na ang mga awtoridad sa Sorsogon para sa pagpapanatili ng seguridad at maayos
na daloy ng trapiko kaugnay ng gagawing mga aktibidad ng Kasanggayahan Festival
ngayong taon.
Sa isinagawang pagpupulong ng Incident
Management Team, inilatag ang mga planong pangseguridad kasama na ang mga lokasyon
kung saan itatalaga ang Incident Command Post, First Aid at Emergy Location,
Staging Area at iba pang mahahalagang lokasyong makatutulong sa maayos na
pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival.
Malinaw ding iprinisinta ang mga rutang
gagamitin para sa mga pangunahing aktibidad mula Oktubre 17 hanggang Oktubre 23
kung kaya’t abiso sa mga motorista na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang
hindi malito sa mga isasara at bubuksang mga kalsada.
Opisyal na magsisimula ang Kasanggayahan
Festival sa Oktubre 17 kung saan tampok ang Pagsasadula ng Unang Misa sa Luzon
na gaganapin sa kahabaan ng Rizal at Magsaysay Street alas kwatro ng hapon.
Isasara ang mga kalyeng nabanggit simula alas-dos ng hapon at muli namang
ibabalik sa normal ang daloy ng trapiko alas sais ng gabi.
Sarado din ang Magsaysay at Rizal St. mula
alas-dose y medya ng hapon sa mga petsang Oktubre 18 para sa Pantomina sa
Tinampo at Oktubre 23 para sa Pintakai nin mga Pintakasi o “Festival of
Festivals”, at muling ibabalik sa normal ang trapiko alas syete ng gabi.
Sa Oktubre 20 ay magkakaroon naman ng Color
Run mula alas singko hanggang alas otso ng umaga at mayroon ding mga
isasaradong ruta. Ang Color Fun Run ay magsisimula sa Sorsogon City Pier
patungong City Hall sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City.
Sa mga motoristang manggaling sa Albay
patungong katimugan at yaong mula sa ikalawang distrito ng Sorsogon patungo
naman sa hilaga, ipinapayong dumaan na lamang sa Diversion Road upang hindi
maantala.
Para sa mas malinaw na detalye ng daloy ng
trapiko ay maari ding bisitahin ang Facebook Fan Page ng Philippine Information
Agency Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment