Tuesday, July 17, 2012

Selebrasyon ng NDPR Week sisimulan ngayong araw


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 3 (PIA) – Opisyal nang ipagdiriwang simula ngayong araw ang ika-34 na taon ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week sa bisa ng Proclamarion No. 361 s. 2000 na inamyendahan ng Administrative Order No. 35 noong 2002.

Ang pagdiriwang ay mula Hulyo 17 hanggang 23 sa ilalim ng temang “Mainstreaming Persons With Disabilities in Economic Development” na naglalayong pukawin pa ang kamalayan ng publiko ukol sa pagkakaroon ng kapansanan at hikayatin ang bawat isa na magpakita ng aktibong pakikilahok sa pagpapataas pa ng kondisyong pang-sosyal at pang-ekonomiya ng mga taong may kapansanan o espesyal na pangangailangan sa ating komunidad.

Kaugnay nito, sinabi ni Social Welfare Assistant Jean Bonos ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na nakatakda nilang ipunin sa pakikipagtulungan sa Social Integrated Health Services Foundation, Inc (SIHSFI) ang mga kinatawan ng parmasya, tindahan at groserya, ospital, at mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health, Departement of Public Works and Highways, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Phil. Information Agency at ang City/Municipal SWDO.

Kasama din sa mga pupulungin ang mga pangulo o pinuno ng pampublikong sasakyan, medical societies group, organisasyon ng mga may-ari ng hotel at restawran, Sorsogon Chamber of Commerce and Industries at pangulo ng asosasyon ng mga may kapansanan sa iba’t-ibang mga munisipalidad sa lalawigan.

Ayon kay Bonos, layunin nitong mas malalim pang maipaliwanag ang nilalaman ng Republic Act 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disabilities” at iba pang mga batas ukol sa mga may kapansanan.

Pagkakataon din umano ito upang mabigyang-linaw sa lahat ng mga kalahok sa pagpupulong lalo na sa mga establisimyento na dapat ding bigyan ng diskwento sa mga binibiling serbisyo, pagkain at kagamitan ang mga may kapansanan subalit katulad ng mga senior citizen ay dapat na may ID, akreditado at rehistrado ito ng kani-kanilang mga Municipal o City SWDO.

Espesyal ding pinuri ni Bonos ang mga Municipal Social Welfare and Development Office na aktibo at may mga nagpapatuloy na programa ukol sa mga Persons with Disability (PWD) tulad umano ng mga bayan ng Gubat, Bulusan, Sta. Magdalena, Bulan, Irosin, Juban at Magallanes.

Napaka-aktibo din umano ng City SWDO at mayroon itong mga aktibong organisasyon ng PWDs at establisadong Office of the Person with Disability Affairs (OPDA). Dagdag din ni Bonos na sa kasalukuyan ay nagsasagawa ang City SWDO ng imbentaryo ng mga PWDs upang matiyak ang talagang bilang nito at maisama sa listahan ng mga rehistrado ng SWDO. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: