Friday, March 16, 2012

Eksaminasyon ng Career Service Eligibility sa Mayo 27 na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 16 (PIA) – Inihayag ni Director Arpon Lucero ng Civil Service Commission Sorsogon Field Office na nakatakda sa darating na Mayo 27, 2012 ang eksaminasyon para sa mga nais makakuha ng sub-professional at professional career service eligibility examination.

Kaugnay nito, itinakda na rin sa Abril 27, isang buwan bago ang takdang araw ng eksaminasyon, ang pagsusumite ng application form ng mga interesadong mag-eksamin.

Kabilang sa mga rekisitos na kailangan ay ang mga sumusunod: apat na kopya ng passport ID na may name tag, valid ID, filled-up application form at P500 na cash para sa examination fee.

Samantala, inamin naman ni Lucero na bumaba ang bilang ng mga nakapasa sa professional at sub-professional examination dito sa Sorsogon noong nakaraang taon. Aniya, umabot lamang sa 12.11% ang nakapasa  kung saan sa kabuuang mahigit sa animnaraang kumuha ng eksaminasyon, animnapu lang ang nakapasa sa professional habang sa sub-professional naman ay lima lang ang pumasa.

Ayon kay Lucero, mahalagang maipasa ang career service eligibility exam sapagkat isa ito sa mga rekisitos upang maging regular na empleyado ng pamahalaan.

Kasabay ng eligibility ay ang kaukulang edukasyon, karanasan at skills training ng isang tao upang maging permanente ito sa trabaho sa pamahalaan. Nilinaw niyang hindi kailanman mabibigyan ng tsansang maregular sa trabaho ang mga hindi nakapasa sa career service eligibility.

Pinayuhan din niya ang mga hindi pumasa na huwag susuko o mawawalan ng pag-asa, bagkus ay pagsikapan pa ang mga susunod pa nilang pagkuha ng kaparehong eksaminasyon upang tuluyan nang maipasa ito. (BARecebido, PIA Sorsogon)








No comments: