Monday, January 20, 2014

Maayos na serbisyo ng kuryente para sa mga Sorsogonanon, hamon sa PCCI

Atty. Loida Nicolas-Lewis
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 20 (PIA) – Hamon para sa mga opisyal at kasapi ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang mga binitwang salita ng isa sa mga pinakama-impluwensyang babae at negosyante sa buong mundo.

Sa isinagawang induction ceremony ng mga bagong opisyal at kasapi ng PCCI na ginawa kamakailan dito, sinabi ni Atty. Loida Nicolas-Lewis na dapat na magkaisang kumilos ang PCCI upang matuldukan na ang hindi makatarungang gawain ng Sorsogon II Electric Cooperative (Soreco 2) tulad ng napakataas na singil sa kuryente at hindi maayos na serbisyo nito.

Ayon kay Atty. Lewis, pinupuri niya ang naging hakbang ni Sorsogon City Mayor Sally A. Lee na pagpapababa ng singil sa buwis, subalit siya namang pagtaas ng halos dobleng singil sa kuryente kung kaya’t hindi pa rin maramdaman ng mga kunsumidor ang magandang bunga ng pagbaba ng buwis.

Kung kaya’t panahon na umano upang magkaisang kumilos ang PCCI at magdala ng pagbabago sa kooperatiba sa pamamagitan ng masusing pag-aaral sa constitution and by-laws ng Soreco II at paglalagay ng kinatawan bilang kasapi ng Board of Directors.

Sinabi din niyang hindi dapat na matakot ang mga ito na magdala ng pagbabago sa kooperatiba sapagkat bilang mga Sorsoganon at Pilipino, marapat lamang na gawin kung ano ang tama.

Hindi rin umano makakahikayat ng mga negosyante na magtayo ng negosyo dito ang mataas na singil sa kuryente at mahihirapan ang lungsod at ang lalawigan na paunlarin pa ang eco-tourism development program na isinusulong ng lokal na pamahalaan.

Kung kaya’t dapat na umanong kumilos ang PCCI sapagkat nasa mga kamay nito ang solusyon, dapat umanong magkaisa ang mga ito na labanan ang katiwalian, pang-aabuso, korapsyon at nepotismo sa isang organisasyon at komunidad. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)


No comments: