Thursday, June 21, 2012

Tree Planting o Arbor Day ipagdiriwang sa Hunyo 25


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 21 (PIA) – Sa darating na ika-25 ng Hunyo ay ipagdiriwang sa bansa ang Arbor Day o ang tinatawag na Tree Planting Day alinsunod sa Presidential Proclamation No. 643 na may petsang Hunyo 9, 2004.

Kaugnay nito, nagpalabas ng memorandum Circular No. 2012 – 70 ang Department of Interior and Local Government (DILG) kung saan inatasan nito ang lahat ng mga gobernador, alkalde ng mga lungsod at bayan, provincial, City at Municipal Chapter President ng mga Liga ng mga Barangay, mga punong barangay at regional governor ng Auronomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na ipagdiwang ang Arbor Day ngayong taon.

Ang hakbang na ito ay alinsunod din sa Executive Order No. 26 ni Pangulong Benigno S. Aquino III na nilagdaan niya noong ika-11 ng Pebrero na nag-aatas sa mahigpit na pagpapatupad ng National Greening Program (NGP) bilang pangunahing prayoridad ng pamahalaan.

Sa Sorsogon, nakatakdang magsagawa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Ofice, Community ENRO at Provincial ENRO kasama ang lokal na pamahalaan ng Gubat at mga lokal na residente sa Brgy. Ariman sa bayan ng Gubat, Sorsogon.

Ayon kay Anabelle Barquilla, forester ng DENR Sorsogon, dati na umano nila itong project site sa greening program nila noon at nais nilang hindi lamang mapalitan ng mga panibago ang mga nangamatay na nilang pananim kundi madagdagan pa ito.

Aabot sa 500 agoho seedlings ang nakatakda nilang itanim sa araw ng pagdiriwang ng Arbor Day sa Lunes.

Dagdag pa ni Barquilla na sabay-sabay ding magsasagawa ng tree planting activity ang iba’t-ibang mga Local Government Units sa Sorsogon sa kani-kanilang mga napiling lugar na pagtatamnan. (BARecebido, PIA Sorsogon)







No comments: