Thursday, June 21, 2012

Provincial Eagle Quiz nakatakdang gawin ngayon; DENR at PENRO abala sa iba pang mga aktibidad sa Environment Month


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 21 (PIA) – Sa pagtutulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at mga katuwang na organisasyon nito, ilang mga aktibidad pa ang nakatakdang gawin dito kaugnay pa rin ng pagdiriwang ng Environment Month.

Ayon kay Anabelle Barquilla, forester ng Department of Environment and Natural Resources Sorsogon at siyang tagapamanihala ng mga aktibidad, nakatakdang gawin ngayong araw ang taunang Provincial Eagle Quiz na lalahukan ng mga piling mag-aaral sa elementarya sa umaga at sekundarya naman sa hapon.

Ang mananalo dito ang siyang ilalaban sa Regional Battle of Eagles sa darating na Hunyo na gagawin naman sa lalawigan ng Albay.

Sa Hunyo 25 ay ipagdiriwang din ang Arbor Day o Tree Planting Day kung saan nakatakda ring magsagawa ng massive tree planting ang mga tauhan ng DENR, PENRO at Community ENRO kasabay din ang iba’t-ibang mga lokal na pamahalaan dito.

Ang pagtatapos ng selebrayon ng Environment Month ay tatampukan naman ng paggawad ng pagkilala sa mga mananalo sa Saringgaya Awards na kinonsepto ng DENR Bicol sa loob ng halos ay 12 taon.

Samantala, matatandaang noong nakaraang Hunyo 5, 2012 ay ipinagdiwang ang World Environment Day sa ilalim ng temang “Green Economy: Does it include you?” na siya na ring ginawang tema para sa selebrasyon ng Environment Month sa buong buwan ng Hunyo ngayong taon.

Sa ginawang pagdiriwang ng World Environment Day ay nagsagawa dito ng tree planting activity at pagpapakawala ng isang uri ng wild at endangered animal sa kagubatang sakop ng Energy Development Corporation (EDC) sa Sorsogon.

Inilunsad din ang “Gawad Gobernador sa Kapaligiran”, isang patimpalak para sa mga Local Government Unit sa Sorsogon na may angking kagalingan at natatanging programa sa pagpapatupad ng malinis at berdeng kapaligiran.

Ang pagdiriwang ng Environment Month ay nakapaloob sa Presidential proclamation No. 237 na nilagdaan noong 1988. Layunin nitong pataasin pa ang kaalaman ng publiko ukol sa panganagalaga at pagbibigay-proteksyon sa mga natural na yaman ng kapaligiran. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment