Wednesday, June 20, 2012

Libreng kagamitan sa pag-aaral ipinamahagi sa mga elementary pupils sa Casiguran


LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 20 (PIA) – Labis ang naging kagalakan hindi lamang ng mga mag-aaral kundi maging ng mga magulang ng dalawang-daan apatnapu’t dalawang mag-aaral sa elementarya sa bayan ng Casiguran, Sorsogon na nabiyayaan ng libreng mga kagamitan sa pag-aaral.

Mga Grade 1 hanggang Grade 4 mula sa tatlong barangay sa bayan ng Casiguran na kinabibilangan ng Brgy. Tulay, Central at San Antonio ang nabigyan ng libreng gamit sa pag-aaral tulad ng lapis, papel, kwaderno at iba pang gamit sa kabutihang-loob ng grupong Karunungan, Kabuhayan at Kalikasan para sa Kinabukasan (KKK).

Ang pamamahagi ng mga libreng kagamitan sa pag-aaral ay base sa inisyatiba ni Casiguran Municipal Councilor Alfonso Escudero kung saan ibinigay ito sa mga mag-aaral isang linggo bago ang aktwal na pagbubukas ng klase.

Ayon kay Councilor Escudero, pinili nila yaong mga mag-aaral na kabilang sa mga mahihirap na pamilya nang sa gayon ay mabigyang-inspirasyon ang mga ito na hindi maaaring mahadlangan ng kahirapan ang pagkamit ng edukasyon.

Sa isinagawang maikling programa bago ang pamamahagi ng mga kagamitan, sinabi ni Councilor Escudero na inilunsad ng KKK ang ganitong proyekto sa iba’t-ibang mga lugar sa Casiguran mula pa noong taong 2008 sa tulong ng mga pribadong indibidwal. Subalit sa taong ito umano ay pawang mga Casiguranong nagtatrabaho o naninirahan na sa ibayong dagat ang pangunahing sumuporta sa proyekto kabilang na si Ginang Yolanda de Leon-O Kelly at Franchie de Leon na kapwa nakabase sa Amerika at si Bonifacio Belazon mula naman sa Riyadh, Saudi Arabia.

Aniya, nais niyang maipagpatuloy pa ang ganitong proyekto sa kanilang bayan kung kaya’t nanawagan din ito sa mga Casiguranon na na nasa ibang bansa na tulungan ang KKK sa mga programang pang-komunidad na kanilang ilulunsad upang higit na makatulong at mapahalagahan ang edukasyon ng mga kabataan.

Layunin din ng KKK sa pamumuno ni Councilor Escudero na isulong ang mga adbokasiyang pang-edukasyon, pangkabuhayan at pagmamahal sa Inang Kalikasan tungo sa minimithing maunlad at masaganag pamayanan.

Samantala, buong puso namang nagpasalamat ang mga opisyal ng tatlong barangay, mga magulang at maging ng mga mag-aaral na nabiyayaan ng nasabing mga kagamitan kalakip ang pangakong susuporta sila sa mga adhikain at mga kapakipakinabang na mga programang isasagawa pa ng grupong KKK sa susunod na mga taon. (BARecebido, PIA Sorsoogn/JHicap)

No comments:

Post a Comment