Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 26 (PIA) – Isa
sa mga suliraning kinakaharap ng Lokal na Pamahalaan ng Donsol sa kasalukuyan
ay ang kakulangan ng mga rekurso pati na rin ng mga makabagong kagamitan para
sa pagtugon sa panahon ng mga kalamidad.
Isa na rito ang malayong lokasyon ng mga
fire hydrant na halos ay isa hanggang dalawang kilometro ang layo mula sa
tanggapan ng Bureau of Fire Protection sa Donsol na siyang nagiging balakid
upang agarang maibigay nito ang maayos na serbisyo.
Ang fire hydrant ang tumatayong water
source ng mga bumbero sa panahong nagkakaroon sila ng panganagilangan sa tubig
lal na kung mayroong sunog.
Kaugnay nito, sinamantala ni Donsol
Municipal Councilor Ingrid Buenaobra ang pagkakataon na ilatag sa konseho ng Sangguniang
Bayan ng Donsol ang hinaing ng mga bumbero ukol sa paglalagay ng fire hydrant
malapit sa bisinidad ng Donsol kung saan naroroon at malapit ang kanilang tanggapan.
Ang malayong kinalalagyan ng mga fire
hydrants umano ang dahilan ng mabagal na pagresponde nila sa sunog katulad na
lamang ng nangyaring sunog sa Brgy Punta Waling-waling.
Suhestiyon ni Konsehal Buenaobra na
inayunan naman ni DonsolMmayor Jerome Alcantara na magkaroon ng lehislasyon
upang mapag-ukulan ng sapat na pondo ang pagpapagawa ng mga Fire Hydrants sa
mismong kabisera o sentro ng munisipalidad ng Donsol.
Pinuri naman ni SFO4 Emmanuel Rabulan, hepe
ng BFP Donsol ang naturang hakbang at tiniyak nitong nakahanda silang magsilbi
sa lahat nang oras sapagkat ito ang kanilang sinumpaang tungkulin sa Bayan sa
kabila nang anumang balakid at mga hamong kahaharapin sa panahon ng sunog at
iba pang mga kalamidad na dumating kung saan kailangan ang kanilang tulong. (BArecebido/FBTumalad,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment