Monday, June 4, 2012

Maayos na pagpapatupad ng “Oplan Balik Eskwela” tiniyak


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, June 4 (PIA) – Sinabi ni Sorsogon City Schools Division Superintendent Dr. Virgilio Real, maayos ang naging pagtutulungan ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan para sa “Oplan Balik Eskwela”.

Aniya, bago ang pasukan ay nakipag-ugnayan sila sa Departemnt of Public Works and Highways para matiyak ang na kumpleto ang mga pasilidad, maayos ang mga silid-aralan, mga upuan at mga kalsadang daraanan ng mga mag-aaral at mga guro patungo sa mga paaralan.

Aktibo din ang Department of Health sa pagtiyak na dengue-free ang mga paaralan, malinis ang kantina, may malinis na pinagkukunan ng tubig nang sa gayon ay maging maayos ang kalusugan ng mga mag-aaral sa panahong nasa paaralan ito.

Sa naging pag-iikot naman umano ng DepEd kasama ng Department of Trade and Industry (DTI), pareho pa rin ang naging halaga ng mga ilang mga pangunahing school supplies at kung may mga paggalaw man ay rasonable naman umano ito. Malaking tulong din ang ginawang “Diskwento Caravan” ng DTI bago dalawang linggo bago ang pasukan.

Aktibo din ang naging partisipasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan nagsagawa din ang mga ito ng inspeksyon sa mga paaralan.

Samantala, sinabi ni Sorsogon City Police Chief Edgardo Ardales na handa at nakakalat ngayon ang mga kapulisan kasama na ang mga karagdagang bagong pulis upang magbantay sa seguridad ng publiko lalong-lalo na ng mga estudyante at mga guro sa pampubliko at pribadong mga paaralan sa lungsod ng Sorsogon.

Aniya, patuloy din ang gagawing mga pagroronda nito sa buong bisinidad ng Sorsogon upang matiyak na hindi makakapamayagpag ang mga masasamang elemento.

Kabilang sa ipinanawagan ng City PNP ay ang pagrereport sa kanila ng mga abusado at mapagsamantalang tsuper lalo na sa mga traysikel tulad ng overpricing, overloading at yaong namimili ng mga pasahero. Sakali umanong may mga makaenkwentro sila ng mga mapagsamantalang tsuper ay kunin lamang ang plate number o franchise number upang mabigyan ang mga ito ng kaukulang aksyon at disiplina.

Nagtayo din sila ng clearance and help desk ang PNP upang magabayan ang mga mag-aaral sa unang linggo ng pasukan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment