Monday, June 4, 2012

Pagbubukas ng klase sa Sorsogon, mapayapa


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, June 4 (PIA) – Maayos ang naging pagbubukas ng klase kaninang umaga sa kabila ng libo-libong mga mag-aaral na dumagsa lalo na sa mga malalaking pampubliko at pampribadong paaralan mula elementarya, sekundarya at kolehiyo dito sa lungsod ng Sorsogon.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala ding naitalang mga negatibong insidente sa kalsada lalo na’t aktibo ang mga traffic enforcers sa pagmantini ng galaw ng trapiko.

Kapansin-pansin din ang aktibong partisipasyon ng mga barangay lalo na ng Barangay Talisay, Burabod, Balogo at Bibincahan kung saan naroroon ang mga malalaking pampubliko at pampribadong paaralan sa lungsod.

Samantala, ayon naman kay Sorsogon National High School Principal Blanca Rempillo, pinagsisikapan nilang maging maayos ang unang araw ng pasukan ngayon sa kanilang paaralan sa kabila ng malaking bilang ng mga mag-aaral na naka-enrol sa bawat seksyon kung saan umaabot umano sa 65 na mga mag-aaral ang pinakamalaking populasyon nila sa isang seksyon.

Ipinaliwanag din niya na wala nang tatawaging first year high school ngayon kundi tatawagin na itong grade seven, habang nananatili pa rin ang katawagang second year, third year at fourth year high school. Sa mga susunod na taon ay magiging grade eight hanggang ten na ito habang tuluyan na ring mawawala ang dating tawag na second year hanggang fourth year.

Ang grade seven ngayong taon ay isasailalim na rin sa junior at senior high school matapos ang kanilang grade ten.

Mahigit anim na libo ang regular students at mahigit dalawang daan naman sa evening class ang kabuuang populasyon ngayon ng Sorsogon National High School, ang pinakamalaking paaralan sa sekundarya sa lalawigan ng Sorsogon.

Tinyak din ni Rempillo na patuloy pa rin ang pagtanggap nila ng mga late enrollees subalit dapat na dumaan ito sa City Schools Division para sa approval ng kanilang enrolment. (FBTumalad, Jr./BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment