Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 25 (PIA) – Sa
nakaraang pagdiriwang ng ika-114 taon ng Independence Day ng Pilipinas, 453 na mga
Sorsoganong naghahanap ng trabaho ang nairehistro ng Public Employment Services
Office (PESO) at Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) ng
Sorsogon.
Ayon kay Provincial Government Department
Head ng PHRMO Lorna Hayag, sabay sa bilang ng pagdiriwang ng ika-114 taong
anibersaryo ng kasarinlan ng bansang Pilipinas ay ang pagbibigay oportunidad
din sa 114 na mga Sorsoganon na matanggap at makakuha ng maayos na trabaho kung
saan 109 sa kanila ay natanggap para sa local employment habang lima naman dito
ay natanggap upang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Aniya sa 453 na naghanap ng trabaho, 372
ang nais magtrabaho sa loob ng bansa habang 81 sa kanila ay nais makakuha ng
trabaho sa labas ng Pilipinas. May mga ilan din umanong maari pang matanggap
sakaling maipasa ng mga ito ang kulang pa nilang mga rekisitos.
Dagdag pa ni Hayag, 11 mga ahensya ang
nakilahok sa jobs fair para sa local employment habang apat naman para sa
overseas employment.
Ang Jobs Fair ay isinagawa ng PESO at PHRMO
upang matulungan ang mga Sorsoganong naghahanap ng trabaho na makakuha ng
de-kalidad na trabaho, maiangat ang labor force at mabawasan ang kahirapag
nararanasan ng bawat pamilya sa lalawigan.
Nanawagan din Hayag sa mga hindi pinalad na
matanggap sa ginawang jobs fair na huwag mawalan ng pag-asa bagkus ay gamitin
ang mga karagdagang tip na nakuha nila mula sa ginawang pag-aplay at gawin
itong inspirasyon para sumubok uli sa susunod na pagkakataon. (BArecebido, PIA
Sorsogon/MHatoc)
No comments:
Post a Comment