Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 29 (PIA) –
Maliban sa pagiging aktibo ngayon ng mga tauhan ng kapulisan sa pagbabantay ng
sitwasyong pangkapayapaan at kaayusan sa bisinidad ng lungsod ng Sorsogon
kaugnay ng pagdiriwang ng kapistahan ng patron ng lungsod San Pedro at San
Pablo, patuloy din ang ginagawang imbestigasyon ng mga ito upang matukoy ang
suspetsadong nasa likod sa ilang mga krimeng naganap dito.
Isa sa mga ito ay ang malalim na
pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng pamamaril sa principal ng San Juan
Elementary School sa Bacon District, Sorsogon City na si Romeo Diamsen y Paje
kung ayon sa ulat ng Bacon Police Station ay pinasok ang principal sa loob
mismo ng kanyang tanggapan noong Hunyo 25, 2012, alas nueve ng gabi habang
ginaganap ang alumni homecoming ng paaralan.
Tatlong ulit na pinagbabaril ang biktima na
tumama sa kanyang kaliwang balakang, tiyan at ulo. At noong Martes ng gabi ay
tuluyan nang namatay ang biktima habang ginagamot ito sa ospital.
Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang
mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek at sa motibo ng pamamaril.
Samantala, sa iba pang mga kaganapan,
nakuha na rin ang ulo ng pugot na bangkay sa Brgy. Sumagunsong, Bulan, Sorsogon
isangdaang metro mula sa kinakuhanan ng pugot na katawan nito. Nakasuot ang
biktima ng puting t-shirt at maroon na shorts. Hinala ng mga imbestigador na
dayo sa lugar ang biktima dahilan sa hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy
kung sino ang bangkay.
Tiniyak naman ng pamunuan ng pulisya sa
Sorsogon City at Bulan, Sorsogon na hindi sila titigil hanggat hindi natutukoy
ang salarin at nalalaman ang motibo sa naganap na mga krimen. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment