Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 29 (PIA) –
Naging matagumpay at dinagsa ng mahigit animnapung mga mamamahayag mula sa
Sorsogon at Albay ang ginawang Power 101 Media Orientation ng National Grid
Corporation of the Philippines (NGCP) noong Miyerkules sa Pepperland Hotel, sa lungsod ng Legazpi.
Sa nasabing aktibidad, ipinaliwanag ni NGCP
Technical Consultant Guillermo Redoblado ang operasyon ng NGCP kung saan
nakatuon lamang umano ito sa transmission o pamamahagi ng mga matataas na
boltahe ng kuryente at hindi nila sakop ang pamamahagi ng kuryente sa mga
end-user o mga kabahayan.
Binigyang linaw din niya ang ilang mga
terminolohiyang madalas gamitin ng NGCP sa kanilang mga press releases at
information dissemination campaign tulad ng brown-out, black-out, grid,
transmission, generation, distribution, kilowatthour at iba pa ng mga
terminolohiya.
Si NGCP Spokesperson Atty. Cynthia P.
Alabanza naman ang siyang sumagot sa mga katanunagn ng media sa ginawang press
conference.
Binuksan din sa mga mamamahayag ang
pasilidad ng NGCP Daraga Sub-station kung saan ipinakita sa mga ito ang
kanilang control at switch room. Ipinaliwanag ni Albay-Sorsogon sub-station
head Nick Supena kung saan dumadaloy ang mga kuryenteng ipinamamahagi ng NGCP
sa Soreco I, Soreco II at Aleco, ang mga pangunahing kustomer ng Daraga
sub-station. Ipinakita din niya ang pinagmumulan ng 69 KiloVoltage na transmission
line patungong lalawigan ng Sorsogon at kung papaano ito ipinamamahagi ng NGCP.
Pinabulaanan din ni Supena ang maling
paniniwala o misconception ng ilan ukol sa mga epektong dala ng
Electro-Magnetic Field (EMF) sa kanilang mga trabahador tulad ng pagkakabaog o
pagtataas o pagkakaunat ng mga buhok at iba pang mga nararamdamang epekto sa
katawan.
Aniya, simula nang hawakan ng NGCP ang
operasyon ng kanilang sub-station ay wala silang naitatalang casualty o injury
sapagkat pangunahing binibigyang-atensyon nila ang kaligtasan ng kanilang mga
trabahador kung kaya’t bago ito magsimula sa kanilang trabaho ay nagkakaroon
muna sila ng safety/precautionary meeting upang regular na paalalahan ang
kanilang manggagawa ukol sa mga dapat gawin at iwasan.
Nilinaw din ng pamunuan ng NGCP na ang mga
asset at tore ng kuryente na may malalaking boltahe na nakikita sa iba’t-ibang
mga lugar sa bansa ay pag-aari ng
pamahalaan at kung pag-aari ito ng pamahalaan, may karapatan at responsibilidad
ang bawat Pilipino na pangalagaan ito.
Nananawagan din sila sa publiko na tulungan
silang pangalagaan ang mga pasilidad o huwag hayaang nakawin ang alinmang
bahagi ng pasilidad na ito.
Sa panig naman umano ng pamahalaan ay
pinaiigting nito ang RA 7832 o ang batas laban sa pagnanakaw ng kuryente at
bahagi ng linya ng kuryente.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga lumahok
na mga mamamahayag sa oportunidad na ibinigay ng NGCP sa kanila at kapwa
positibo ang magkabilang panig sa mas bukas at malalim pang ugnayan ng NGCP at
media nang sa gayon ay maipaabot sa publiko ang tama at kaukulang impormasyong
dapat makarating sa mga komunidad. (BARecebido)
No comments:
Post a Comment