Tuesday, June 12, 2012

Selebrasyon ng 114th Philippine Independence Day muling pumukaw sa pagkamaka-Pilipino ng mga Sorsoganon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, June 11 (PIA) – Naging makulay at damang-dama ng mga nakilahok ang selebrasyon ng Philippine Independence Day sa Sorsogon lalo na kaninang umaga sa isinagawang programa sa Capitol Ground.

Eksakto alas-syete ng umaga nang simulan ang programa sa pamamagitan ng interpretative presentation ng “The Prayer” ni Gosh Groban bilang Doxology at dance prelude bago tuluyang inawit ang Pambansang Awit ng Pilipinas at binigkas ang Panunumpa sa Watawat.

Sa pangunguna naman ng Free Mason Sorsogon chapter ay ipinaunawa sa mga nakilahok ang kahalagahan ng pagpupugay sa watawat.

Matapos ito ay pinanguunahan ni Sorsogon Governor Raul R. Lee at maybahay nitong si dating Gobernadora Sally A. Lee kasaman ng mga pinuno at kinatawan ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan ang pag-aalay ng mga bulaklak sa paanan ng monumento ng Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal.

Muli namang umani ng papuri ang static presentation ng scout ranger ng Philippine Army kung saan ipinakita nito ang aktwal na nangyayari sa labanan sa pagitan ng mga military at rebelde at kung paano ang disposisyon ng mga kasundaluhan sa nahuhuli nilang mga rebelde.

Hindi rin nagpahuli ang ilang mga piling scout ranger sa pagpapakita ng sayaw sa saliw ng iba’t-ibang mga modernong awit na umani din ng malaking papuri mula sa mga nanood.

Nagpakitang gilas din ang search and rescue team ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council sa pamamagitan ng pagrapel sa ginawang 'unveiling of Independence Day tarpaulin'.

Samantala, patuloy naman ang pagbibigay serbisyo ng mga ahensya ng pamahalaan katuwang ang ilang mga pribadong organisasyon dito kaugnay pa rin ng pagdiriwang ng Phil. Independence Day ngayong taon.

Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay ngayon ay ang medical mission sa Provincial Jail at Home for the Aged, libreng gupit at masahe ng mga kasundaluhan, Jobs Fair, exhibit ng iba’t-ibang mga natatnging produkto ng Sorsogon kabilang na ang mga recycled products tulad ng paper accessories, paper charcoal at iba pa.

Ang mga aktibidad na nagsimula noong Sabado, Hunyo 9, ay magtatagal hanggang bukas na lamang ng hapon, Hunyo 13. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment