Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 19 (PIA) –
Muling nanawagan si Sorsogon City Veterinarian Dr. Alex Destura sa mga may
alagang aso na upang masigurong ligtas ang mga ito sa sakit tulad ng
Respiratory Diseases ay kailangan nilang pagawaan ito ng sariling kulungan o di
kaya’y itali, pakainin ng mabuti at bigyan ng malinis na inuming tubig at
bitamina.
Aniya, dapat na maisaalang-alang ng mga may
alagang aso ang kaligtasan din ng kalusugan ng kanilang mga sarili at maging ng
kasapi ng pamilya nito.
Maliban sa magiging pag-aalala nila kapag
magkasakit ang kanilang mga alagang aso ay maaari din umanong mahawaan ng sakit
ang kasapi ng kanilang pamilya, kung kayat mahigpit ang panawagan nito na
tiyaking ligtas sa sakit ang kanilang mga alaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng
tamang atensyon at pangangalaga dito.
Dagdag pa ng beterinaryo na sa mga
nagbubuntis namang aso ay dapat na dagdagan ang pagkaing ibibigay dito lalo na
ang mga pagkaing nagbibigay ng bitaminang calcium at phosporous upang ang mga nasa
sinapupunan nito ay maging malakas at maresistensya paglabas.
Nagbabala rin si Destura sa publiko na
puspusan pa rin ang kanilang paghuhuli ng mga galang aso at umaabot na umano sa
P500 ang penalidad na ipapataw sa mga may-ari ng aso sakaling mahuli ang
kanilang mga alagang aso na nakakalat sa kalsada.
Samantala, sinabi rin ni Destura na isa sa
mga pangunahing naapektuhan ng sobrang pag-iinit at sobrang pag-uulan dala ng
pabago-bagong panahon dito sa isang lugar ay ang mga alagang hayop lalo na
yaong mga nasa kabukiran kung saan nagkakaroon ng biglaang pagdami ng mga
langaw, lamok at garapata na nagdadala ng sakit sa mga hayop.
Kaugnay nito, nag-abiso si Destura sa mga may-ari
ng kalabaw, baka at iba pang hayop na pabakunahan ang mga ito sa edad na tatlong
buwan at bawat taon upang makaiwas ito sa anumag mga sakit.
(FTumalad/BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment