Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 17 (PIA) –
Nanawagan si Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon Consumer Welfare
Desk Evelyn Paguio sa mga motoristang gumagamit ng helmet na samantalahin ang
libreng aplikasyon para sa sertipikasyon ng kanilang mga helmet na magtatagal
hanggang sa Setyembre ngayong taon.
Aniya, ang hakbang na ito ay alinsunod sa
memorandum na ipinadala ng Bureau of Product Standards Manila kung saan
pansamantalang inaalis ang P 101.25 na bayad para sa pagproseso ng aplikasyon (P100.00)
at stiker (P1.25) na ibibigay ng DTI.
Subalit nilinaw ni Paguio na magpapatuloy
pa rin ang pagtanggap nila ng aplikasyon para sa sertipikasyon ng mga helmet
hanggang sa Disyembre 31, 2012.
Aniya, dapat na dalhin ng mga motorista ang
kanilang ginagamit na helmet sa tanggapan ng DTI upang masuri kung nasa quality
standard ito bago nila ito lagyan ng Import Commodity Clearance (ICC) sticker
ng Bureau of Product Standards (BPS).
Matatandaang pinaigting pa ng pamahalaan
ang kampanya sa paggamit ng helmet sa
pamamagitan ng pagpapalabas ng Joint Administrative Order No. 1 series of 2012
ng Department of Transporation and Communication (DoTC) at Department of Trade
and Industry (DTI) na nag-aatas sa mga motorista na iparehistro ang kanilang
ginagamit na helmet para na rin sa personal nilang kaligtasan. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment