Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 6 (PIA) – Sa
ika-sampung taon ng pagsisilbi sa lalawigan ng Sorsogon, isasagawa ng Rotary
Club Metro Sorsogon ang isang mass blood donation activity sa darating na
Sabado, Hulyo 7, 2012, alas-syete hanggang alas-dose ng umaga sa ACSAT-Sorsogon
Campus, Barangay Balogo, lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay Rotary Club Metro Sorsogon President
Dr. Dennis Donor, layunin ng aktibidad na sa pamamagitan ng pagbibigay ng dugo
ay matulungan yaong mga pasyenteng mangangailangan ng dugo upang madugtungan pa
ang buhay ng mga ito.
Aniya, bukas ang aktibidad sa mga
Sorsoganon na may edad 18 pataas, may timbang na hindi bababa sa 50 kilos,
normal ang blood pressure, pulse rate at temperatura.
Mariin ding pinaalalahanan ni Donor ang mga
magbibigay ng dugo na hindi sila dapat nakainom ng alak sa nakalipas na 24 na
oras bago magpakuha ng dugo, walang tattoo sa katawan at body piercing sa loob
ng anim na buwan, hindi buntis at higit sa lahat ay handa itong magpakuha ng
dugo.
Ang aktibidad ay bahagi din ng pakikiisa ng
grupo sa pagdiriwang ng Blood Donors Month ngayong buwan ng Hulyo at upang
makahikayat din ng mga Sorsoganon lalo na ng mga kabataan na boluntaryong
magbigay ng dugo.
Tema ngayong taon ang “Every Blood Donor is a Hero”. (BArecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)
No comments:
Post a Comment