Tuesday, July 10, 2012

Mga aktibidad sa National Disaster Consciousness Month nagpapatuloy


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 10 (PIA) – Sa pagdiriwang ngayong taon ng National Disaster Consciousness Month, nakatuon ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRMC) sa pagbibigay ng mas malalalim pang mga pagsasanay at kahandaan nang sa gayon ay matiyak na “ligtas ang bayan at maunlad ang mga pamayanan”.

Matatandaang sa pagbubukas ng pagdiriwang noong Hunyo 2, 2012, nagkaroon ng banal na misa kung saan binigyang-diin ni Monsignor Augusto Laban sa kanyang homiliya ang kahalagahan ng pagiging ligtas ng isang bansa sa anumang panganib. Aniya, kung ligtas ang bansa, lahat kaayusan ay susunod na lamang, at tiyak makakamtan ang kapayapaan at kaunlaran ng bawat isa.

Sinundan ang banal na misa ng isang motorcade sa kahabaan ng pangunahing lansangan ng lungsod ng Sorsogon upang pukawin pa ang kmalayan ng publiko kaugnay ng obserbasyon ng National Disaster Consciousness Month ngayong buwan.

Sinimulan na rin noong Sabado ang pagpapalabas ng mga pelikulang may kaugnayan sa pag-iwas sa mga panganib dala ng pagbabago ng panahon at kalamidad at kung anu-anong mga ahensya ng pamahalaan at organisasyon ang maaring malapitan sa panahon ng kagipitan dala ng kalamidad. Ang palabas ay nakaiskedyul tuwing Sabado sa buong Hulyo sa Capitol Park, alas-sais y medya ng gabi.

Samantala, sa ikalawang regular na pagpupulong ng PDRRMC, binigyang-linaw din at naging makabuluhan ang ginawang paglalahad ng mga suhestyon at rekomendasyon ng lokal na media matapos ang naganap na Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation (DRR-CAA) Orientation para sa mga lokal na mamamahayag ng Sorsogon noong Hunyo 8 at 9, 2012, kung saan inaasahang higit pang makakatulong ito upang epektibong maipaabot sa publiko ang mga mahahalagang impormasyon kaugnay ng pagbabago ng panahon at tamang pamamahala ng sarili sa panahong bago maganap, habang nagaganap at matapos maganap ang kalamidad.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) Chief Engr. Raden D. Dimaano, sisimulan ngayon ang tatlong araw na DRR-CCA orientation para sa mga provincial department head at kanilang assistant alinsunod sa itinatalaga ng batas. Aniya, alinsunod sa RA 10121, Rule 10 Sec. 14, ang lahat ng mga pampublikong manggagawa ay dapat na sumailalim sa emergency response and preparedness training.

Samantala, nakatakda ring magsagawa ang Department of Science and Technology  (DOST) sa pamamagitan ng PAGASA sa pakikipagtulungan sa PDRRMC ng disaster awareness and risk reduction Information and Education Campaign (IEC) sa publiko sa darating na Biyernes, ika-13 ng Hulyo, 2012, sa Provincial Training Hall, Sorsogon City.

Kasabay din nito ang pagsasailalim sa mga kasapi ng Provincial, Municipal at City DRRMC sa isang araw na seminar-workshop kaugnay ng paggamit ng ng mga datos mula sa Automatic Weather Station (AWS) bilang pagpapaigting pa ng kasanayan kaugnay ng posibilidad ng pagbaha at pagtataya ng panahon. (BARecebido, PIA Sorsogon/VLabalan, PIO-SPDRMO)




No comments:

Post a Comment