Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 10 (PIA) –
Pormal nang naipamahagi ng tanggapan ng Pangulo sa pamamagitan ng Office of the
Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang 10 sa 12 mga proyekto ng
Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) noong nakaraang taon sa mga
benepisyaryo nito sa lalawigan ng Sorsogon.
Noong ika-apat ng Hulyo, 2012, ay dumating
sa lalawigan si OPAPP Asst. Secretary Romulo B. Halabaso upang pangunahan ang
pamamahagi ng mga proyekto sa anim na mga bayan na kinabibilangan ng Casiguran,
Magallanes, Barcelona, Irosin, Juban, Pto. Diaz, habang ang bayan ng Gubat ay
naman ay nasa huling yugto na ng pagpapatupad ng proyekto sa kanilang
munisipalidad.
Kabilang sa mga proyektong natapos na sa
ilalim ng agricultural production ay ang Marine Reserve Sanctuary Development
Project (Phase 1) sa Brgy. Sablayan, Juban.
Sa infrastructure road type naman ay ang
pagpapasemento ng 560m x 4m Farm to Market Road (FMR) sa Brgy. San Isidro,
Barcelona; pagsasakonkreto ng 1,000 metrong FMR mula sa kahabaan ng kalsada ng
Bactolan, Tiris hanggang San Ramon, Burgos, Casiguran; pagsasakonkreto ng
kalsada ng Tublijon-Sipaya sa Juban; pagsasakonkreto ng FMR mula Cogon hanggang
San Rafael sa Pto. Diaz; at pagpapasemento ng Buenavista-San Isidro-Batang FMR
sa bayan ng Irosin.
Sa ilalim naman ng pagsusulong ng
eco-tourism ay ang pagtatayo ng Eco-Tourism Center sa Brgy. Salvacion, Irosin; pagsasaayos
at pagpapaganda pa ng Parola Beach at ng Sta. Lourdes Grotto sa Brgy. Behia, at
ang pagsasaayos at pagpapaganda pa ng Bucal-bucalan Spring sa Aguada Sur, lahat
pawang sa bayan ng Magallanes.
Umaabot sa kabuuang P30-M ang pondong
inilaan para sa naturang mga proyekto.
Samantala, inihayag naman ni OPAPP ASec
Halabaso ang kanyang komendasyon sa naging pagsisikap ng mgha opisyal ng lokal
na pamahalaan ng Sorsogon at ng pitong mga bayang benepisyaryo ng PAMANA upang
maipatupad ang mga adyendang pangkapayapaan at pangkaunlaran ng pamahalaan.
Tiniyak din nito na magpapatuloy ang
kanilang suporta sa Sorsogon lalo sa pagpapatuloy pa ng kanilang layuning
maipatupad ang mga inisyatibang pangkapayaan sa lahat ng mga komunidad na
apektado ng labanan o insurhennsiya. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)
No comments:
Post a Comment