Wednesday, July 11, 2012

Kaso ng pinaghihinalaang may dengue sa Sorsogon umabot na sa 43


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 11 (PIA) – Inihayag ni Sorsogon Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia na mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon ay nasa 23 na ang pinaghihinalaang may dengue sa Brgy. Poblacion, Bulan, Sorsogon habang 19 naman sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City.

Ayon kay Garcia, kumuha na ng sample ng dugo ang mga tauhan ng Department of Health kasabay ang Provincial Health Team, upang madala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang makumpirma kung anong uri ng lamok ang pinagmulan ng nasabing virus.

Sa ngayon ay higit pang pinaigting sa bayan ng Bulan ang information dissemination campaign laban sa dengue kung saan bumuo na sila ng 15-man team na walang ibang gagawin kundi maglibot sa mga barangay upang pangunahan ang paglilinis ng lahat ng mga lugar.

Maging ang Sorsogon City Health Office ay nagbigay na rin umano ng mga tulong teknikal upang mapaigting pa ang anti-dengue campaign sa Brgy. Cabid-an.

Ayon pa sa kanya, mas naaalarma sila kapag ang mga nakakaranas ng sintomas ng dengue ay yaong mga nakatira sa magkakadikit na mga bahay sapagkat nangangahulugan itong dapat na mabigyan ito ng agarang aksyon.

Nagpapatuloy din umano ang kanilang pagsubaybay sa iba pang mga lugar sa Sorsogon, subalit paisa-isang kaso lamang ang kanilang naitatala, kung kaya’t maliban sa Poblacion, Bulan at Cabid-an, Sorsogon City ay wala umanong dapat na ika-alarma sa iba pang mga lugar. May limang kaso din ng dengue na na-confine sa Provincial Hospital subalit agad rin naman itong nabigyang-lunas at nailabas ng ospital.

Subalit mariin niyang pinayuhan ang publiko na huwag magpabaya at manatiling gawin ang nararapat na mga hakbang lalo na ang pagmantini sa kalinisan upang maiwasan ang pagkakaroon ng dengue sa kanilang lugar lalo na ngayong tag-ulan na naman.

Nagpasalamat naman si Garcia sa mabilis na pagresponde ng mga opisyal sa barangay at lokal na awtoridad sa kalusugan upang maiwasan ang posibilidad ng pagdedeklara ng dengue outbreak sa mga lugar na may kaso nito. Tiniyak din nito na ‘manageable’ pa rin ang sitwasyon ng dengue sa Sorsogon kung ikukumpara sa ibang lugar sa rehiyon ng Bikol.

Nilinaw din niya na bukas ang tanggapan ng Provincial Health sa anumang tulong na kakailanganin kaugnay ng mga suliraning pangkalusugang tulad nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment