Wednesday, July 11, 2012

“Oplan Kontra Boga”, mahigpit na ipinapatupad ng PNP sa kabikolan


Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 11 (PIA) – Mahigpit ang ginagawang pagsubaybay ng mga kapulisan hindi lamang sa Sorsogon kundi maging sa buong kabikulan kaugnay ng pinahigpit pa nilang kampanya laban sa pagdadala ng mga baril o ang tinagurian nilang “Oplan Kontra Boga”.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Regional Office Bicol Spokesperson PSupt. Ato Battaler,   ang Bayan ng Camarines Sur ang nangunguna sa may pinakamataas na bilang ng may rehistradong mga baril na umaabot sa 11,412. Pumapangalawa dito ang probinsya ng Albay sa bilang na 7,829, pangatlo ang Masbate na may 4,403, pang-apat ang Camarines Norte na may 2,860, panglima ang Sorsogon na may 2,777, at pang-anim ang Catanduanes na may 694.

Sa tala ng PNP noong 2009, mataas ang bilang ng kaso ng pagpatay sa lalawigan ng Masbate kung saan umabot ito ng 225 na pawang baril ang sanhi ng kamatayan ng mga biktima subalit bumaba ito ngayong nagdaang mga taon. Kilala din ang nasabing lalawigan na may pagawaan ng mga paltik na baril.

Inamin din ni Battaler na dahilan sa mga baril na walang kaukulang papeles na malayang naipupuslit ng mga indibidwal  ay maraming kaso ng mga pagpatay ang nangyayari. Subalit sinabi din ng opisyal na mahigpit ang ginagawa nilang pagsubaybay sa mga personalidad na gumagawa ng mga iligal na baril.

Aniya, simula ng paigtingin nila ang kanilang kampanya kontra boga at pagtatalaga ng mga check points sa mga estratehikong lugar sa kabikolan noong Enero hanggang Hunyo ngayong taon ay umani ito ng ibayong tagumpay dahilan upang masamsam nila ang kabuuang 160 na ibat-ibang uri ng mga baril. Sa kabuuang bilang na ito ay 73 loose firearms ang nasamsam nila sa Masbate , 38 sa Albay, 28 sa Camarinez Sur, 10 sa Camarines Norte, walo sa Sorsogon , habang tatlo naman sa Catanduanes .

Inihayag din ng opisyal na ngayong nalalapit na naman ang eleksyon ay mas dodoblehin pa nila umano at papaigtingin angipinatutupad na Operasyon kontra Bakal at ang paglalagay ng mga check-point upang masigurong walang anumang karahasang magaganap sa panahon ng eleksyon sa 2013. (FBTumalad,Jr/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment