Tuesday, July 10, 2012

Proyekto ng PAMANA 2011 pormal nang naibigay sa mga benepisyaryo


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 10 (PIA) – Pormal nang naipamahagi ng tanggapan ng Pangulo sa pamamagitan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang 10 sa 12 mga proyekto ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) noong nakaraang taon sa mga benepisyaryo nito sa lalawigan ng Sorsogon.

Noong ika-apat ng Hulyo, 2012, ay dumating sa lalawigan si OPAPP Asst. Secretary Romulo B. Halabaso upang pangunahan ang pamamahagi ng mga proyekto sa anim na mga bayan na kinabibilangan ng Casiguran, Magallanes, Barcelona, Irosin, Juban, Pto. Diaz, habang ang bayan ng Gubat ay naman ay nasa huling yugto na ng pagpapatupad ng proyekto sa kanilang munisipalidad.

Kabilang sa mga proyektong natapos na sa ilalim ng agricultural production ay ang Marine Reserve Sanctuary Development Project (Phase 1) sa Brgy. Sablayan, Juban.

Sa infrastructure road type naman ay ang pagpapasemento ng 560m x 4m Farm to Market Road (FMR) sa Brgy. San Isidro, Barcelona; pagsasakonkreto ng 1,000 metrong FMR mula sa kahabaan ng kalsada ng Bactolan, Tiris hanggang San Ramon, Burgos, Casiguran; pagsasakonkreto ng kalsada ng Tublijon-Sipaya sa Juban; pagsasakonkreto ng FMR mula Cogon hanggang San Rafael sa Pto. Diaz; at pagpapasemento ng Buenavista-San Isidro-Batang FMR sa bayan ng Irosin.

Sa ilalim naman ng pagsusulong ng eco-tourism ay ang pagtatayo ng Eco-Tourism Center sa Brgy. Salvacion, Irosin; pagsasaayos at pagpapaganda pa ng Parola Beach at ng Sta. Lourdes Grotto sa Brgy. Behia, at ang pagsasaayos at pagpapaganda pa ng Bucal-bucalan Spring sa Aguada Sur, lahat pawang sa bayan ng Magallanes.

Umaabot sa kabuuang P30-M ang pondong inilaan para sa naturang mga proyekto.

Samantala, inihayag naman ni OPAPP ASec Halabaso ang kanyang komendasyon sa naging pagsisikap ng mgha opisyal ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon at ng pitong mga bayang benepisyaryo ng PAMANA upang maipatupad ang mga adyendang pangkapayapaan at pangkaunlaran ng pamahalaan.

Tiniyak din nito na magpapatuloy ang kanilang suporta sa Sorsogon lalo sa pagpapatuloy pa ng kanilang layuning maipatupad ang mga inisyatibang pangkapayaan sa lahat ng mga komunidad na apektado ng labanan o insurhennsiya. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)


No comments: