Thursday, July 12, 2012

Tulong pinansyal ipamamahagi sa mga may kapansanan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 12 (PIA) – Kaugnay ng pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week sa Hulyo 17-23, 2012, nakatakdang mamahagi ang Pamahalaang Panlungsod ng Sorsogon ng tulong pinansyal sa mga batang may kapansanang mag-aaral ng Sorsogon East Central School Special Education (SECS SPED) Center.

Pangungunahan ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda at ni City Social Welfare and Development Office Mae Esta ang pamamahagi ng tsekeng nagkakahalaga ng P1,000 para sa bawat mag-aaral ng SPED. Aabot sa 100 na mga mag-aaral ang mabibiyayaan ng nasabing tulong pinansyal kabilang na ang mga Visually Impaired, Mentally Challenged at Hearing Impaired pupils bilang tulong sa pag-aaral ng mga ito.

Aminado ang mga guro ng SPED Center na sadyang malapit ang kalooban ng akalde sa mga batang may espesyal na pangangailangan at malimit din umano itong nagbibigay-tulong sa mga ito sa lahat ng panahon lalo na kapag may mga aktibidad.

Ayon naman sa mga magulang ng mga mag-aaral ng SPED Center, malaking tulong sa kanila ang taunang pagbibigay ng financial assisatance ng lokal na pamahalaan ng lungsod kung kaya’t naghayag sila ng pasasalamat sa alkalde at sa pamunuan ng City Social Welfare and Development Office dahilan sa ipinapakitang pagmamalasakit nito sa mga batang may espesyal na panganailangan.

Tema ng pagdiriwang ng NDPR Week ngayong taon ang “Mainstreaming Persons With Disabilities in Economic Development”. (BARecebido/FBTumalad Jr., PIA Sorsogon)


No comments: