Friday, July 13, 2012

Kasanayan ng mga kasapi ng PCPC ukol sa mga batas na nagbibigay-proteksyon sa menor de edad pinaiigting


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 13 (PIA) – Apat na mga malalaking batas na nagbibigay karapatan at proteksyon sa mga menor de edad ang tinalakay sa isinagawang Paralegal Training kamakailan dito sa lungsod para sa mga kasapi ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) partikular yaong kabilang sa Sorsogon Provincial Inter-Agency Anti-Child Labor Committee and Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team (SPIACLC-SBMQAT).

Kabilang sa mga batas na ito ay ang Republic Act 9231 o ang batas na nagbibigay proteksyon sa mga nagiging biktima ng child labor, Republic Act 7610 o ang batas na nagbibigay proteksyon sa mga menor de edad laban sa anumang uri ng pang-aabuso, eksplotasyon at pang-aapi, Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act at ang Republic Act 9394 o ang Juvenile Justice System Act.

Ayon kay Senior Labor and Employment Officer Marilyn Luzuriaga ng Department of Labor and Employment Sorsogon, dapat na maging prayoridad ang pagbibigay proteksyon sa mga bata sapagkat ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga ito ay magbibigay ng negatibong epekto sa buhay ng mga biktima lalo na sa pisikal, emosyunal, sikolohikal at sosyal na aspeto ng kanilang buhay na maaaring madala nila sa kanilang paglaki o pagtanda.

Ipinaliwananag din niya ang pagkakaiba ng child work at child labor sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga larawan kung saan ang child work ay may layuning maturuan ang bata ng mga trabahong kapaki-pakinabang sa kanyang paglaki at pagharap sa hamon ng buhay, habang ang child labor ay peligrosong pagpapatrabaho sa mga bata kapalit ng materyal o di materyal na bagay.

Samantala, ipinaliwanang naman ni Provincial Prosecutor Regina Coeli Gabito ang tamang pagtrato sa mga menor de edad na nabibiktima ng pang-aabusong sekswal, child trafficking at yaong mga tinatawag na “children in conflict with the law” o mga menor de edad na nasasangkot sa kriminalidad.

Malaking karagdagan din sa kaalaman ng mga kalahok ang pagtalakay ni Gabito ng mga pamamaraang ginagamit ng korte sa mga kasong menor de edad ang sangkot tulad halimbawa ng paggamit ng anatomic doll, multi-media, psychology at marami pang iba.

Nilinaw din niya na ang mga batang edad 15 anyos pababa na nasasangkot sa anumang uri ng krimen ay walang criminal liability at walang kasong criminal na sasagutin subalit dapat na sumailalim ito sa rehabilitasyon o intervention program at hindi dapat na pabayaan na lamang. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: