Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD
NG SORSOGON, Hulyo 12 (PIA) – Determinadong inihayag ni 1st District
Board Member Atty. Arnulfo Perete na kinakailangang magkaroon ng malinaw na
polisiya o patakaran ang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ukol sa travel
order ng mga board member.
Ito umano ay upang hindi makompromiso ang
mga kautusan o direktibang nanggagaling sa Department of Interior and Local
Government (DILG) sa lakad ng mga opisyal ng lalawigan partikular na ng mga
bokal.
Sa naging paglilinaw, kunsideradong
official travel ang lakad ng isang bokal kung mayroon itong pormal na
imbitasyon galing sa isang organisasyon, ahensya o maging indibidwal man na may
kaugnayan sa kanyang trabaho bilang board member, kung wala umano ang pormal na
imbitasyon ay ikukunsiderang personal travel ito.
Dahilan dito, napagkasunduan ng bujong
konseho na dapat na magkaroon ng pormal o konkretong dokumento ang isang bokal
na magpapatunay na opisyal ang kanyang transaksyon o lakad lalo na sa oras na
mayroong regular na sesyon ang konseho ng Sangguniang Panlalawigan.
Ipinaliwanag at binigyang-diin naman ni
Vice Gov. Antonio Escudero na sakaling may lakad, opisyal man o hindi, ang
isang bokal sa araw ng Lunes ay dapat na maisumite ng mga ito Biyernes pa
lamang ang mga dokumentong kinakailangan upang maiwasan ang pagkakaroon ng
penalidad.
Ang nasabing paglilinaw ay ginawa matapos
na magtanong si Bokal Benito Doma ukol sa sistema ng pagbibigay ng travel order
at sa napapansing madalas na pagliliban sa mga sesyon.
Samantala, inihayag ni Bokal Arnulfo Perete
na umabot na sa P100,000 ang nalikom ng Sangguniang Panlalawigan mula sa multa
ng mga naglilibang mga bokal.
Ang regular na sesyon ng Sangguniang
Panlalawigan ng Sorsogon ay nakaiskedyul tuwing araw ng Lunes. (BARecebido, PIA
Sorsogon/HBinaya)
No comments:
Post a Comment