Thursday, July 12, 2012

Malinaw na patakaran sa pagbibigay ng travel order sa mga bokal binigyang-linaw


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 12 (PIA) – Determinadong inihayag ni 1st District Board Member Atty. Arnulfo Perete na kinakailangang magkaroon ng malinaw na polisiya o patakaran ang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ukol sa travel order ng mga board member.

Ito umano ay upang hindi makompromiso ang mga kautusan o direktibang nanggagaling sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa lakad ng mga opisyal ng lalawigan partikular na ng mga bokal.

Sa naging paglilinaw, kunsideradong official travel ang lakad ng isang bokal kung mayroon itong pormal na imbitasyon galing sa isang organisasyon, ahensya o maging indibidwal man na may kaugnayan sa kanyang trabaho bilang board member, kung wala umano ang pormal na imbitasyon ay ikukunsiderang personal travel ito.

Dahilan dito, napagkasunduan ng bujong konseho na dapat na magkaroon ng pormal o konkretong dokumento ang isang bokal na magpapatunay na opisyal ang kanyang transaksyon o lakad lalo na sa oras na mayroong regular na sesyon ang konseho ng Sangguniang Panlalawigan.

Ipinaliwanag at binigyang-diin naman ni Vice Gov. Antonio Escudero na sakaling may lakad, opisyal man o hindi, ang isang bokal sa araw ng Lunes ay dapat na maisumite ng mga ito Biyernes pa lamang ang mga dokumentong kinakailangan upang maiwasan ang pagkakaroon ng penalidad.

Ang nasabing paglilinaw ay ginawa matapos na magtanong si Bokal Benito Doma ukol sa sistema ng pagbibigay ng travel order at sa napapansing madalas na pagliliban sa mga sesyon.

Samantala, inihayag ni Bokal Arnulfo Perete na umabot na sa P100,000 ang nalikom ng Sangguniang Panlalawigan mula sa multa ng mga naglilibang mga bokal.

Ang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon ay nakaiskedyul tuwing araw ng Lunes. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)


No comments:

Post a Comment