Wednesday, July 18, 2012

Project NOAH ipinakilala ng DOST-PAGASA sa Sorsogon


Photo by: Von Labalan, SPDRMO
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 18 (PIA) – Ipinakilala at itinuro ng mga kinatawan ng Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) ang paggamit ng Nationwide Operational Assessment of Hazards and Risks o Proyektong NOAH sa mga kasapi ng Provincial, Municipal at City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) at Planning and Development Officer (PDO), ilang kasapi ng Sangguniang Panlalawigan, mga kinatawan ng provincial government office, national government line agencies at iba pang mga stakeholders sa Sorsogon.

Layunin ng proyektong ito na mapag-ibayo ang pambansang pagsisikap na higit pang mapalawak at puspusang mapa-unlad ang kahandaan para mabawasan at maisaayos ang mga patakaran sa harap ng ng mapaminsalang mga bagyo at kalamidad.

Sa pamamagitan ng Project NOAH, magagamit na ang mga datos upang makagawa ng enhanced vulnerability maps at gawing anim na oras na lamang ang pagsubaybay at paghahatid ng babala ukol sa lalim ng tubig sa malalaking ilog tulad na lamang ng Cadac-an River sa may bahaging Casiguran at Juban, Sorsogon.

Sa ginawang pagtalakay ni PAGASA Weather Facilitator Specialist Erie S. Estrella, ma-aakses umano ang Project NOAH sa www.noah.dost.gov.ph at doon ay makikita ang iba’t-ibang mga link na iki-klick lamang upang makuha ang datos na kailangan tulad umano ng weather outlook, flood map, temperature, mga naka-install na Autimatic Rain Gauge (ARG) at Automatic Weather Station (AWS) at ang iba’t-ibang mga istasyon ng Doppler sa bansa.

Ayon kay Estrella, maging ang mga ordinaryong mamamayan na hindi empleyado ng PAGASA at Phivolcs ay maaari na rin umanong makapagsagawa ng pagsubaybay sa lagay ng panahon at kung may mga paparating na kalamidad tulad ng tuloy-tuloy na pag-uulan, bagyo at baha.

Ang pagpapakilala sa Proyektong NOAH at paggamit ng mga datos mula sa AWS at ARG ay bahagi ng Disaster Awareness and Risk Reduction Information and Education Campaign ng DOST-PAGASA. 


Samantala, iminumungkahi naman ng SPDRMO sa PAGASA na madagdagan pa ang AWS sa Sorsogon na balak nilang ilagay sa mga bayan ng Matnog at Donsol at ilan pang mga ARG sa iba’t-ibang mga munisipalidad sa lalawigan bilang bahagi pa rin ng pagpapalakas pa ng sistema ng pagsubaybay sa lagay ng panahon at pagtaya ng posibilidad ng pagbaha sa Sorsogon.
Participants of the AWS Seminar-Workshop. Photo: Von Labalan, SPDRMO

Sa kasalukuyan ay mayroong isang AWS sa Barcelona, Sorsogon na regular na sinusubaybayan ng PAGASA. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment