Friday, July 27, 2012

Proyektong rehabilitasyon at pagtatanim ng mga bakawan sa Brgy. Gimaloto, sinimulan na


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 27 (PIA) – Labinlimang-libong mga mangrove propagules ang naitanim kahapon ng mga kasapi ng Seaweed Growers and Aqua-culture Association of Sorsogon (SEAGRASS), mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Sorsogon City Police Station, Philippine Information Agency (PIA) at ilang kasapi ng media sa Brgy. Gimaloto, Sorsogon City.

Ayon kay BFAR Sorsogon Provincial Fishery Officer Gil Ramos, 50,000 mga bakawan ang nakatakdang itanim sa 15 ektaryang latian ng bakawan sa Brgy. Gimaloto hanggang sa susunod na linggo sa ilalim ng Mangrove Rehabilitation and Reforestation Project sa mga aydentipikadong Key Biodiversity Areas (KBAs) sa rehiyon ng Bicol.

Aniya, mapalad na napili ang Brgy. Gimaloto upang maging benepisyaryo ng aquasilvi culture project na bigay ng BFAR tulad ng sakahan ng gulaman, mangrove reforestation at at iba pang mga proyektong pangkabuhayan.

Ito umano ay nagkakahalaga sa kabuuan ng P350,000 kung saan inisyal na ibibigay ang halagang P250,000 sa mga kasapi ng SEAGRASS na siyang nagtanim at mangangalaga hanggang sa lumago ang mga kabakawanang naitanim. Ang natitirang halaga ay ibibigay sa kanila sakaling fully-grown na ang mga bakawang ito.

Aniya, ang SEAGRASS ang magiging tagapangalaga at tagabantay ng nasabing mangrove site sa loob ng 25 taon matapos ang pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA).

Alinsunod sa kasunduan, ang SEAGRASS ang siyang mangangasiwa sa pangangalaga at pagpapaunlad pa ng lugar. Maaari din umano silang makabenepisyo sa mga itatanim na puno ng bakawan kung saan papayagan ang mga kasapi na kumuha ng sanga ng bakawan at iba pang ani mula sa aquasilvi culture project sa ilalim ng patnubay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng BFAR.

Ang SEAGRASS ay isang people’s organization na binubuo ng mga mangingisda at magsasaka ng Brgy. Gimaloto sa kanlurang distrito ng lungsod ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
Si Bennie A. Recebido ng PIA Sorsogon habang kinakapanayam para sa TV4 local channel si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Provincial Fishery Officer Gil B. Ramos ukol sa isinasagawang pagtatanim ng mga bakawan sa Brgy. Gimaloto, West District, Sorsogon City. 15 ektarya ng lupain ang nakatakdang pagtaniman ng 50,000 mga bakawan sa ilalim ng Mangrove Rehabilitation and Reforestation Project sa mga aydentipikadong Key Biodiversity Areas (KBAs) sa rehiyon ng Bicol. (PIA Sorsogon)
Kasama ang SEAGRASS, PNP, BFAR at ilang media, isinagawa ang pagtatanim ng mga bakawan. Isa din ang aktibidad na ito sa altenatibong mapagkakakitaan ng mga kasapi ng SEAGRASS at balak din ng BFAR na i-expand pa ang aquasilvi project sa nasabing barangay upang lalo pang matulungan ang mga residente doon lalo na rin yaong kabilang sa 4Ps ng pamahalaan. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment