Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 24 (PIA) –
Ipinagmalaki ni Bureau of Local Government and Finance (BLGF) OIC Regional
Director Florencio Dino II ang magandang pagganap ng mga lokal na pamahalaan,
ingat-yaman at assessor sa buong rehiyon ng Bikol dahilan upang makuha nito ang
100.4% na revenue collection target noong 2011.
Sa ulat ni Dino, umabot sa P2,471,500.00
ang naging kabuuang koleksyon ng buwis ng Region V noong nakaraang taon, mataas
kumapara sa target nitong P2,461,500.
Ayon kay Dino, mayroon umanong
apat na kategorya ang tax revenue collection na kinabibilangan ng Real Property
Tax o mga buwis na may kinalaman sa lupa at ari-arian; Business Tax o mga buwis
na may kinalaman sa negosyo; Fees and Charges o yaong mga buwis mula sa
direktang kita ng lokal na pamahalaan tulad ng mayor’s permit, community tax at
iba pa; at Economic Enterprise o yaong buwis na ipinapataw sa mga slaughter
house, palengke, ospital at iba pang kahalintulad nito.
Lumalabas umano na magaling ang rehiyon ng
Bikol sa larangan ng pagkolekta ng buwis sa economic enterprise, at sa real
property na siyang pinakamahirap kolektahin. Ang pagtaas ng koleksyon na ito ay
dahilan umano sa nagbayad na ang ng kanilang buwis ang mga planta ng geothermal
sa Bicol tulad ng Tiwi at Bac-Man sa Albay at Sorsogon.
Malaki rin umano ang naging
ambag ng turismo sa malaking kita sa buwis ng rehiyon ng Bicol tulad ng CWC sa
Camarines Sur na pumapangalawa at ang Butanding sa Donsol na pumapangatlo sa
dinarayo ng mga turista sa buong Pilipinas, lokal man o dayuhan, ayon sa ilang
mga survey.
Malaking potensyal din umano sa
revenue collection ang pagtutulungan o inter-local cooperation ng mga lalawigan
ng Sorsogon, Masbate at Albay sa larangan ng pagpapaunlad pa ng turismo.
Dagdag din ng opisyal na sa
lalawigan ng Sorsogon, magiging malaking ambag din sa koleksyon sa buwis sa
susunod na mga taon kung mapag-aaralan at malilinang ang potensyal ng Sta.
Magdalena lalo na kung lalagyan din ito ng pantalan kung saan magiging target
nito ang mga pasaherong patungo at mula sa Easrtern Samar. “Hindi ito magiging
karibal ng bayan ng Matnog sapagkat ang mga pasahero ng Matnog ay yaon namang
patutungo at mula sa Northern Samar,” ayon pa sa kanya.
Samantala, binigyang-diin ni Dino na mali
ang konotasyong maganda kapag may surplus sa badyet at maraming ipon o perang
hindi nagastos ang isang tanggapan o LGU sa loob ng isang taon sapagkat
nangangahulugan itong hindi natugunan ang mga pampublikong serbisyong dapat
sana ay naibigay sa mga kinauukulan.
Inihayag din niya na bukas ang BLGF sa
pagtulong sa mga non-efficient LGU upang matuto ng mga epektibong istratehiya
upang mapataas ang kanilang revenue collection efficiency. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment