Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 23 (PIA) –
Muling ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways Sorsogon 2nd
District Engineering Office (DPWH-S2DEO) District Engineer Jake Alamar sa
kanyang Maintenance Engineer na mahigpit na ipatupad ang pagtatanggal sa
anumang mga nakakaabala at nakahaharang sa mga Road-Right of Way (RROW) sa
lahat ng pambansang lansangang sakop ng kanilang tanggapan.
Ang utos ay kaugnay ng mataas na insidente
ng naaksidenteng mga motorista sa lansangan sa ikalawang distrito.
Ayon kay Engr. Alamar, lahat ng mga
istruktura at bagay na kunsideradong nakahaharang sa mga motorista at sa maayos
at ligtas na daloy ng trapiko sa mga panguna at pansekundaryang pambansang
lansangan ay dapat na alisin. Kabilang din sa mga ipinatatanggal ay yaong mga
permanente nang naitayong proyektong pang-imprastruktura ng mga barangay at iba
pang mga Local Government Unit (LGU) na nakahaharang din sa RROW ng mga
kalsada.
Ilan pa sa mga pinangalanan ni Engr. Alamar
na dapat tanggalin ay ang mga poste, bahay, gusali, kubol, tindahan,
pahingahan, billboard, mga karatula, advertisement, bakod at iba pang nakahaharang
sa RROW.
Dagdag pa niya na maaari ding maaksidente
ang mga indibidwal na dumadaan sa gilid ng kalsada kung kaya’t higit pa nilang
pinaiigting ang kanilang kampanya para sa kaligtasan ng publiko.
Tiniyak naman ni Engr. Jose B. Gigantone,
Jr., hepe ng maintenance section ng DPWH-S2DEO na mahigpit nilang ipinatutupad
ang pagtanggal sa mga maaaring makaapekto sa maayos na daloy ng trapiko at sa
maayos na pagpapatakbo ng mga motorista ng kanilang sasakyan upang mapanatiling
ligtas ang gumagamit ng mga lansangan. (BARecebido, PIA Sosogon/HDeri,
DPWH-S2DEO)
No comments:
Post a Comment