Monday, July 23, 2012

Pagtanggal sa mga harang sa kalsada mahigpit na ipinag-utos ng DPWH-S2DEO


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 23 (PIA) – Muling ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways Sorsogon 2nd District Engineering Office (DPWH-S2DEO) District Engineer Jake Alamar sa kanyang Maintenance Engineer na mahigpit na ipatupad ang pagtatanggal sa anumang mga nakakaabala at nakahaharang sa mga Road-Right of Way (RROW) sa lahat ng pambansang lansangang sakop ng kanilang tanggapan.

Ang utos ay kaugnay ng mataas na insidente ng naaksidenteng mga motorista sa lansangan sa ikalawang distrito.

Ayon kay Engr. Alamar, lahat ng mga istruktura at bagay na kunsideradong nakahaharang sa mga motorista at sa maayos at ligtas na daloy ng trapiko sa mga panguna at pansekundaryang pambansang lansangan ay dapat na alisin. Kabilang din sa mga ipinatatanggal ay yaong mga permanente nang naitayong proyektong pang-imprastruktura ng mga barangay at iba pang mga Local Government Unit (LGU) na nakahaharang din sa RROW ng mga kalsada.

Ilan pa sa mga pinangalanan ni Engr. Alamar na dapat tanggalin ay ang mga poste, bahay, gusali, kubol, tindahan, pahingahan, billboard, mga karatula, advertisement, bakod at iba pang nakahaharang sa RROW.

Dagdag pa niya na maaari ding maaksidente ang mga indibidwal na dumadaan sa gilid ng kalsada kung kaya’t higit pa nilang pinaiigting ang kanilang kampanya para sa kaligtasan ng publiko.

Tiniyak naman ni Engr. Jose B. Gigantone, Jr., hepe ng maintenance section ng DPWH-S2DEO na mahigpit nilang ipinatutupad ang pagtanggal sa mga maaaring makaapekto sa maayos na daloy ng trapiko at sa maayos na pagpapatakbo ng mga motorista ng kanilang sasakyan upang mapanatiling ligtas ang gumagamit ng mga lansangan. (BARecebido, PIA Sosogon/HDeri, DPWH-S2DEO)

No comments: