Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 23 (PIA) –
Inaabangan na ng mga Sorsoganon ang gagawing State of the Nation Address (SONA)
ni Pangulong Benigno S. Aquino III, alas tres, mamayang hapon.
Ayon sa ilang mga mamamahayag dito, magandang
matutukan ng Pangulo ang ilang mga isyu tulad ng kung ano ba talaga ang stand
nito sa ginagawa ngayon ng bansang Tsina sa Scarborough Shoal at ang
pagpapautang ng Pilipinas sa ibang bansa at ang magandang idudulot ng hakbang
na ito sa bansa. Inaasahan na rin nila umano ang magiging pagbibida ng Pangulo
sa magandang takbo ng ekomoniya ngayon, bagong panukala sa pagmimina,
paniningil sa mga kurapto at tiyak na hindi rin maaalis ang isyu ukol sa na-impeach
na si dating Chief Justice Renato Corona.
Ayon naman sa ilang mga manggagawa, dapat
na maisama din sa SONA ang plano ng pamahalaan ukol sa umento ng sahod, mga
karagdagang benepisyo para sa mga manggagawa kasama na ang empleyado ng pamahalaan,
contractualization at karagdagang trabaho para sa nakararami.
Ayon sa isang guro ng pampublikong paaralan
dito, taunan niyang pinanonood at ng kanyang pamilya ang SONA ng Pangulo at
tinitingnan nila ang bawat SONA sa positibong pananaw at bahagi na ng
istratehiya sa pagsusulong ng progreso ng bansa.
Pinuri din ng ilan ang naging pahayag ng
Malakanyang na hindi na pambabatikos sa nakaraang administrasyon ang magiging laman
ng SONA sa halip ay tututok ito sa mga probisyong pang-ekonomiya na higit na
makatutulong upang mabawasan ang kahirapan sa bansa.
Panalangin din ng nakararami dito na nawa’y
maging mapayapa ang gagawing SONA sa kabila ng ilang mga grupo ng militanteng magsasagawa
ng kabi-kabilang mga protesta at panawagan. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment