Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 9 (PIA) –
Kakailanganin ng isang civil society organization (CSO) o dating mas kilala sa
tawag na non-government organization (NGO) na ma-akredit kung nais nitong
mapabilang sa local special bodies sa mga proyektong nais ipatupad ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ni Department of Interior
and Local Government (DILG) provincial director Ruben Baldeo kung saan sinabi
din niyang kapag hindi ito ginawa ng mga CSOs ay maaari itong makunsiderang
hindi na aktibo o wala na.
Ayon kay Baldeo, kinakailangang bawat taon
ay magpa-akredit ang mga ito sa Sangguniang Panlalawigan, lungsod o bayan.
Nilinaw din ng opisyal na bagama’t sa
umpisa lamang ng termino ng mga nahalal na opisyal ng lokal na pamahalaan
kailangang ma-akredit ang mga nais mapabilang sa special bodies, kinkailangan
pa rin silang magpa-akredit bawat taon upang matiyak na patuloy pa rin ang
operasyon ng isang CSO.
Anumang araw ng taon basta’t oras ng
opisina ay maaari umanong mag-aplay para sa akreditasyon ang CSO sa mga
Sangguniang Panlalawigan.
CSO at pribadong sector ang kailangang
bumuo sa sangkapat (1/4) na kasapi ng local development councils.
Ang pagiging bahagi ng CSO at pribadong
sector sa local development council, health board, school board, peace and
order council at pre-qualification ng bids and awards committee ay nakapaloob
sa Local Government Code kung kaya’t mahigpit itong ipinatutupad.
Samantala, hinikayat ni Baldeo ang mga
NGO/CSO na sumali sa mga nabanggit na special bodies sapagkat nabibigyan ng
kaukulang awtoridad ang mga nagiging kasapi nito.
Sa tala ng Provincial Alliance of
Non-Government Organizations and People’s Organizations for Development
(PANGOPOD), Inc., aabot sa 43 mga NGOs at POs sa Sorsogon ang kasapi nilang mga
organisasyon at akreditado ng Sangguniang Panlalawigan. (BARecebido, PIA
Sorsogon/SG)
No comments:
Post a Comment