Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 9 (PIA) –
Unti-unti nang nagiging popular at paboritong pasyalan ng mga tao, bata man o
matanda, pamilya man o indibidwal ang City Park sa Sorsogon City Complex sa
Brgy. Cabid-an, Sorsogon City.
Bunsod nito at sa kagustuhan ni Sorsogon
City Mayor Leovic R. Dioneda na gawing mas kaakit-akit pa ang paglalaro dito at
pamamasyal ng mga bata, naisipang magpatayo ng alkalde ng Children’s Park sa
kaliwang bahagi ng Sorsogon City Hall sa Brgy. Cabid-an.
Ayon sa alkalde, palalagyan nya ng siyam na
mga yunit ng playhouse at 20 pirasong life size na mga rebulto. Ang mga rebulto
ay kakatawan ng iba’t-ibang mga propesyon tulad ng guro, pari, doktor sundalo,
pulis, inhenyero at marami pang iba na magsisilbing inspirasyon sa mga bata sa
kanilang paglaki at hihikayat din sa kanila na magtapos ng kanilang pag-aaral.
Palalagyan din umano niya ng maganda at
maayos na landscape, bicycle lane, ilaw at mga pasilidad na tiyak na magiging
dagdag atraksyon at ikasisiya ng mga Sorsoganong mahihilig mamasyal sa City
Hall complex lalo na sa gabi at kung maganda ang panahon. Maging ang mga
turistang dadayo dito ay tiyak din umanong maaakit sa mga bagong makikita sa
parke.
Sa kasalukuyan ay dinarayo na ang parke ng
mga taong nais mamasyal sa umaga man o maging sa gabi, yaong mga nais
mag-ehersisyo at maging yaong nais lamang maglakad-lakad sa may malawak na
espasyo at mahanging lugar.
Samantala, tiniyak naman ng Sorsogon City
Police na ipinatutupad nila ang ibayong pagbabantay sa lugar upang matiyak na
ligtas na makapamasyal ang publiko lalo na ng mga bata sa lugar.
Sa kasalukuyan ay wala umanong naitatalang
anumang mga insidenteng nakasisira sa kapayapaan at kaayusan sa Sorsogon City
Park kung kaya’t nananatiling ligtas mamasyal ang publiko dito. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment