Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 8 (PIA) – Matapos
ang masusing pag-aaral at deliberasyon ng mga kasapi ng Sorsogon Provincial
Peace and Order Council (PPOC) Technical Working Group sa kumpletong mga
dokumento, iprinisinta na sa mga kasapi ng PPOC ang apat na mga proyekto sa
bayan ng Magallanes upang aprubahan at ma-iindorso na ito sa Regional Peace and
Order Council (RPOC).
Ang mga proyekto ay kinabibilangan ng pagpapaganda
pa ng Lourdes Grotto sa Brgy, Behia na nagiging popular at dinarayo na ng mga
turista at deboto lalo na sa panahon ng kwaresma; pagsasaayos at pagpapaganda
pa ng Bucalbucalan Spring sa Brgy. Aguada Sur; Evacuation Center; at mga
kagamitan sa panahong nagkakaroon ng mga kalamidad.
Ayon kay Department of Interior and Local
Government (DILG) provincial director Ruben Baldeo, ang mga ito ay kasama din sa
popondohang proyekto sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan – Department
of Interior and Local Government (PAMANA-DILG) 2012 Fund Phase III project.
Matatandaang una nang inindorso ng PPOC sa
RPOC ang pitong proyekto sa mga bayan ng Casiguran, Juban, Barcelona, Gubat at
Irosin upang maaprubahan na ito.
Ayon kay Baldeo sakaling maaprubahan na ang
mga proyektong ito ay mailalabas na ang tig-lilimang milyong pondo bawat
proyekto, at agaran na ring masisimulan ang implementasyon nito. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment