Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 8 (PIA) – Sa
kasalukuyang mga kaganapan sa kalakhang Maynila kung saan nagkaroon ng
malawakang pagbaha, dapat umanong hindi lamang nakatuon sa mga opisyal ng
barangay, magulang o mga adult ang gagawing pagtuturo ng disaster preparedness
sa komunidad.
Ito ang naging pahayag ni Girl Scout of the
Philippines (GSP) Sorsogon Council Executive Sarah Ebdani kung saan sinabi
niyang mahalagang maturuan din ang mga bata kung paanong ililigtas ang kanilang
mga sarili lalo na sa panahong nagkakaroon ng sakuna tulad ng bagyo, baha at
landslide.
Aniya, bahagi na ng kanilang taunang
pagsasanay ang Service Auxilliary Volunteer for Emergency and Relief (SAVER)
Program kung saan sinasanay nila ang mga mag-aaral na babaeng scout mula sa tinatawag
nilang twinklers o pre-schoolers, star scouts o yaong Grade One hanggang Grade
Three pupils, Junior Girl Scouts o mga Grade Four hanggang Grade Six pupils at
Senior Girl Scout naman sa sekundarya kung paano silang maihahanda sa mga
sakuna at pangyayaring hindi alam kung saan at kung kailan mangyayari.
Nakapaloob sa kanilang pagsasanay ang
educational leadership, emergency action drill, life saver’s drill at basic
navigation. Ang mga kasanayang ito umano ang magiging sandata nila sakaling
maharap sa mga sakuna o hindi inaasahang pangyayari dala ng natural o maging ng
mga sinadyang kaganapan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng
Family Disaster Plan kung saan sa pamamagitan umano nito ay magkakaroon ng
isahang kaisipan, desisyon at mga paggalaw ang bawat kasapi ng pamilya. Sa
ganitong paraan ay maiiwasan ang mga aksidente at wala sa panahong pagkawala ng
buhay at ari-arian.
Samantala, matatandaang kamakailan lamang
ay nagkaroon ng pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nina
Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jesse Robredo at
GSP National President Dr. Salud Bagalso kung saan magiging katuwang na ng DILG
ang buong puwersa ng GSP sa pangangalaga ng kalikasan, partikular sa tuwing may
mararanasang kalamidad ang bansa.
Kilala ang GSP bilang isang national civic
organization para sa mga batang babae na ang misyon ay tulungang maging handa
ang kanilang mga miyembro sa mga responsibilidad na kanilang kaakibat sa
paglaki, hindi lang sa kanilang mga bahay kundi pati sa kanilang komunidad.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment