LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 29 (PIA) – Nakatakdang
magsagawa ng libreng spaying at neutering o pagkakapon ng mga aso ang tanggapan
ng Sorsogon City Veterinary sa darating na ika-4 ng Setyembre ngayong taon.
Kaugnay nito nanawagan si City Veterinarian
Dr. Alex Destura sa mga residente ng Sorsogon na samantalahin ang oportunidad
na ito nang sa gayon ay matugunan ng lungsod ang suliranin sa paglobo sa bilang
ng mga aso at ang maaaring pagkalat ng rabis.
Sa impormasyong ibinigay ni Media Relations
Officer Arwill Liwanag ng Sorsogon City Veterinary Office ang naturang
aktibidad ay isasagawa sa Plaza Bonifacio sa Brgy. Sirangan, Sorsogon City sa
dating paradahan ng mga sasakyan ng traysikel sa syudad mula alas otso ng umaga
hanggang alas singko ng hapon.
Inaasahan din ang pagdating ng mga beterinaryo
at ilang mga tauhan ng Department of Agriculture Regional Office V upang tumulong
sa gaganaping aktibidad.
Patuloy din ang paghikayat nila sa publiko
na suportahan at tangkilikin ang nasabing aktibidad lalo’t wala namang anumang
babayaran sa naturang serbisyo at ang tanging kailangan lamang ay dalhin ang
kanilang mga alagang aso para mabiyayaan ng nabanggit na libreng serbisyo.
Samantala, patuloy pa rin ang Sorsogon City
Veterinary Office sa panghuhuli ng mga asong gala sa buong syudad kasama na ang
pagbabakuna ng libre ng anti-rabis sa mga aso. (FBTumalad/BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment