Wednesday, August 15, 2012

"Tatay" Escudero, pumanaw na


Pagpanaw ni "Tatay" Escudero, labis na ikinalungkot ng mga Sorsoganon
Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 14 (PIA) – Sa paglisan ni Kongresman Salvador “Tatay” Escudero III sa mundo ay maraming Sorsoganon ang nalungkot at nagdalamahati.

Matapos ibalita sa radyo at telebisyon kahapon ng umaga na sumakabilang-buhay na ang Kongresista ng Unang distrito ng Sorsogon  ay marami na ang naghayag ng kanilang taos-pusong pakikiramay sa mga naulilang kaanak ng pamilya Escudero sa pamamagitan ng text messages sa mga radyo, telebisyon, facebook, twitter at iba pang networking sites.

Marami ang nanghinayang sa angking talino, kagalingang ipinamalas at hindi masukat na pagsisilbi ng Kongresista sa kanyang mga kababayan. Nagsilbi rin itong huwaran para sa mga kabataan lalo na sa mga benipisyaryo at nakinabang ng  Scholarship Program ni “Tatay”,  maging  mga kasamahan sa trabaho, mga opisyal ng bayan mula sa pinakamataas hanggang sa mababang posisyon sa  lipunan, kaibigan at mga taong kanyang nakasalamuha, tinulungan at pinagsilbihan.

Hindi na rin halos mabilang kung ilang daan at libong estudyante dito lamang sa paaralan ng Sorsogon State College (SSC) ang nakapagtapos  at natulungan ni  Congressman “Tatay” Escudero, nang  nagsilbi sya bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng pamamahala ni dating pangulong Fidel V. Ramos.

Ito rin ang nasa likod ng Gintong Ani Food Production and Security Program para sa mga magsasaka at  iba pang mga Livelihood Projects  at Financial Assistance para sa mga mangingisda na naapektuhan ng mga kalamidad tulad ng Red Tide sa unang distrito.

Halos lahat ng ahensya dito sa Sorsogon maging ang Lokal na pamahalaan ng kapitolyo  probinsyal, mga munisipyo kabilang na ang Headquarters ng PNP at AFP, mga paaralan sa buong probinsya ng Sorsogon ay awtomatikong iwinawagayway ng naka half-mast ang kanilang mga bandila bilang pagbibigay respeto sa pumanaw na opisyal ng probinsya ng Sorsogon. (FB Tumalad-PIA Sorsogon)

--------------------

Kongresista ng unang distrito ng Sorsogon pumanaw na
Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 13 (PIA) – Isang malungkot na balita ang bumulaga sa mga Sorsoganon ngayong umaga matapos kumalat ang mga balita sa radyo at telebisyon ang pagpanaw ng Kongresista Salvador “Sonny” Esacudero III sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, Agosto 13, 2012, bandang alas 3:30 ng madaling araw dahilan sa colon cancer.

Nagpadala na rin ng  mensahe sa pamamagitan ng text message ang staff  ni Sen. Francis “Chiz” Escudero at sinabing mapayapang pumanaw ang kongresista sa edad na 69 at hiling ng kapamilya na ipanalangin ang  kaluluwa nito.

Si Congressman Salvador “Sonny” Escudero na kilala rin sa tawag na “Tatay” ay nagsilbi bilang sekretaryo ng Kagawaran ng Agrikultura sa panahon ng panunungkulan ni dating Presidente Fidel Ramos.

Kasalukuyan ring naka half mast ang bandila sa Kapitolyo Probinsyal bilang pagbibigay respeto sa pumanaw na kongresista ng Sorsogon.

Nagbigay naman nang malugod na pakikiramay sa pamilya Escudero ang lahat ng mga lokal na mamahayag, mga lokal na opisyal ng probinsya, mga hepe  ng iba’t-ibang opisina at institusyon, mga seminarista  kabilang na ang mga taong nakasalamuha  at  pinagsilbihan  sa syudad at probinsya ng Sorsogon.

Sinabi naman ni Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) Sorsogon Chapter Chairman Armand Dematera namagbibigay sila ng espesyal na pagpuri at pagpugay sa yumaong kongresista.

Ayon pa kay Dematera, hindi matatawaran ang kontribusyon ni “Tatay” sa mga Sorsoganon na nagpakita ng walang sawang pagsisilbi sa kanyang mga kababayan. (FB Tumalad-PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment