Pagpanaw ni "Tatay" Escudero, labis na ikinalungkot ng mga Sorsoganon
Ni: FB Tumalad
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 14 (PIA) – Sa
paglisan ni Kongresman Salvador “Tatay” Escudero III sa mundo ay maraming
Sorsoganon ang nalungkot at nagdalamahati.
Matapos ibalita sa radyo at telebisyon
kahapon ng umaga na sumakabilang-buhay na ang Kongresista ng Unang distrito ng
Sorsogon ay marami na ang naghayag ng
kanilang taos-pusong pakikiramay sa mga naulilang kaanak ng pamilya Escudero sa
pamamagitan ng text messages sa mga radyo, telebisyon, facebook, twitter at iba
pang networking sites.
Marami ang nanghinayang sa angking talino, kagalingang
ipinamalas at hindi masukat na pagsisilbi ng Kongresista sa kanyang mga
kababayan. Nagsilbi rin itong huwaran para sa mga kabataan lalo na sa mga
benipisyaryo at nakinabang ng
Scholarship Program ni “Tatay”,
maging mga kasamahan sa trabaho, mga
opisyal ng bayan mula sa pinakamataas hanggang sa mababang posisyon sa lipunan, kaibigan at mga taong kanyang
nakasalamuha, tinulungan at pinagsilbihan.
Hindi na rin halos mabilang kung ilang daan
at libong estudyante dito lamang sa paaralan ng Sorsogon State College (SSC) ang
nakapagtapos at natulungan ni Congressman “Tatay” Escudero, nang nagsilbi sya bilang kalihim ng Department of
Agriculture (DA) sa ilalim ng pamamahala ni dating pangulong Fidel V. Ramos.
Ito rin ang nasa likod ng Gintong Ani Food
Production and Security Program para sa mga magsasaka at iba pang mga Livelihood Projects at Financial Assistance para sa mga
mangingisda na naapektuhan ng mga kalamidad tulad ng Red Tide sa unang
distrito.
Halos lahat ng ahensya dito sa Sorsogon
maging ang Lokal na pamahalaan ng kapitolyo
probinsyal, mga munisipyo kabilang na ang Headquarters ng PNP at AFP, mga
paaralan sa buong probinsya ng Sorsogon ay awtomatikong iwinawagayway ng naka
half-mast ang kanilang mga bandila bilang pagbibigay respeto sa pumanaw na
opisyal ng probinsya ng Sorsogon. (FB Tumalad-PIA Sorsogon)
--------------------
Kongresista
ng unang distrito ng Sorsogon pumanaw na
Ni: FB Tumalad
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 13 (PIA) –
Isang malungkot na balita ang bumulaga sa mga Sorsoganon ngayong umaga matapos
kumalat ang mga balita sa radyo at telebisyon ang pagpanaw ng Kongresista
Salvador “Sonny” Esacudero III sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City,
Agosto 13, 2012, bandang alas 3:30 ng madaling araw dahilan sa colon cancer.
Nagpadala na rin ng mensahe sa pamamagitan ng text message ang
staff ni Sen. Francis “Chiz” Escudero at
sinabing mapayapang pumanaw ang kongresista sa edad na 69 at hiling ng
kapamilya na ipanalangin ang kaluluwa
nito.
Si Congressman Salvador “Sonny” Escudero na
kilala rin sa tawag na “Tatay” ay nagsilbi bilang sekretaryo ng Kagawaran ng
Agrikultura sa panahon ng panunungkulan ni dating Presidente Fidel Ramos.
Kasalukuyan ring naka half mast ang bandila
sa Kapitolyo Probinsyal bilang pagbibigay respeto sa pumanaw na kongresista ng
Sorsogon.
Nagbigay naman nang malugod na pakikiramay
sa pamilya Escudero ang lahat ng mga lokal na mamahayag, mga lokal na opisyal
ng probinsya, mga hepe ng iba’t-ibang
opisina at institusyon, mga seminarista
kabilang na ang mga taong nakasalamuha
at pinagsilbihan sa syudad at probinsya ng Sorsogon.
Sinabi naman ni Kapisanan ng mga
Broadcaster ng Pilipinas (KBP) Sorsogon Chapter Chairman Armand Dematera namagbibigay
sila ng espesyal na pagpuri at pagpugay sa yumaong kongresista.
Ayon pa kay Dematera, hindi matatawaran ang
kontribusyon ni “Tatay” sa mga Sorsoganon na nagpakita ng walang sawang
pagsisilbi sa kanyang mga kababayan. (FB Tumalad-PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment